-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
lingkod ito ng Diyos: Tumutukoy sa “awtoridad” na binanggit sa Ro 13:1-3. May partikular na dahilan kung bakit tinawag na “lingkod” (sa Griego, di·aʹko·nos) ng Diyos ang sekular na mga awtoridad. Kung minsan, ginagamit sa Bibliya ang terminong Griego na ito para tumukoy sa mga “lingkod; nagsisilbi.” (Mat 22:13; Ju 2:5, 9) Ang kaugnay na pandiwang di·a·ko·neʹo (maglingkod; magsilbi) ay ginagamit din para ilarawan ang mga taong naglilingkod para mailaan ang personal na pangangailangan ng iba. (Tingnan ang study note sa Luc 8:3.) Sa ganitong diwa tinawag na “lingkod” ang sekular na mga awtoridad. Mga lingkod sila ng Diyos dahil pinahintulutan niya silang magkaroon ng awtoridad sa loob ng ilang panahon. May mga ginagawa sila para sa kapakanan ng mga tao, gaya ng pagpapanatili ng kaayusan at pagbibigay ng proteksiyon laban sa masasama. Ipinapakita rin ng Bibliya na may mga pagkakataong ginamit ng Diyos ang sekular na mga awtoridad sa iba pang paraan. Halimbawa: Pinalaya ni Haring Ciro ng Persia ang mga Judio sa Babilonya para muling itayo ang bahay ng Diyos sa Jerusalem. (Ezr 1:1-4; Isa 44:28) Isinugo ng hari ng Persia na si Artajerjes si Ezra para sa pagtatayong muli ng bahay na iyon, at nagpadala rin siya ng kontribusyon. Nang maglaon, inatasan niya rin si Nehemias na itayong muli ang mga pader ng Jerusalem. (Ezr 7:11-26; 8:25-30; Ne 2:1-8) Iniligtas si Pablo ng Romanong awtoridad mula sa mga mang-uumog sa Jerusalem, pinrotektahan siya matapos makaligtas sa pagkawasak ng barko, at pinayagang manatili sa isang inuupahang bahay habang isang bilanggo hanggang sa dinggin ni Cesar ang kaso niya.—Gaw 21:31, 32; 28:7-10, 30, 31.
espada: Dito, tumutukoy ito sa karapatan o kapangyarihan ng sekular na mga awtoridad na magparusa sa mga gumagawa ng masama. Kapag tama ang pagkakagamit dito ng mga awtoridad, nakakatulong ito para mapanatili ang kaayusan sa lipunan dahil napipigilan nito ang mga krimen. Pero mananagot sila sa Diyos sa paraan ng paggamit nila ng awtoridad na ito. Halimbawa, inabuso ni Haring Herodes Antipas ang makasagisag na espadang ito nang papugutan niya ng ulo si Juan Bautista. (Mat 14:1-12) Ganiyan din ang ginawa ni Haring Herodes Agripa I nang ‘patayin niya si Santiago na kapatid ni Juan gamit ang espada.’ (Gaw 12:1, 2) Kung uutusan ng sekular na mga tagapamahala ang mga Kristiyano na lumabag sa Kasulatan, hindi sila maituturing na mga lingkod ng Diyos.
ipakita ang galit: Kapag ang isa ay may nilabag na batas ng tao na hindi naman salungat sa kautusan ng Diyos, ang parusa sa kaniya ng ‘mga tagapamahala’ ay masasabing ekspresyon ng galit ng Diyos sa gumagawa ng masama. (Ro 13:3) Sa kontekstong ito, ang ekspresyong Griego para sa “ipakita ang galit” ay puwede ring isaling “magparusa.”
-