-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 15Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ugat ni Jesse: Sinipi ni Pablo ang pananalitang ito tungkol sa “mga bansa” na “aasa” sa “ugat ni Jesse” para ipakita na ang mga tao ng ibang mga bansa ay magiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano. Si Jesse ang ama ni David. (Ru 4:17, 22; 1Sa 16:5-13) Dito, sinipi ni apostol Pablo ang salin ng Septuagint sa Isa 11:10, kung saan inihula na ang darating na Mesiyas ay tatawaging “ugat ni Jesse.” (Ihambing ang Apo 5:5, kung saan si Jesus ay tinawag namang “ugat ni David”; tingnan din ang Apo 22:16.) Karaniwan na, ang isang puno o halaman ay nagkakaugat muna bago magkaroon ng katawan o mga sanga. Kaya parang mas makatuwirang tawagin si Jesse (o ang anak niyang si David) na ugat na pinagmulan ni Jesus, dahil ang Mesiyas ay inapo at hindi ninuno ni Jesse (o ni David). (Mat 1:1, 6, 16) Pero sinusuportahan ng ibang bahagi ng Bibliya ang ideya na si Jesus ang ugat ni Jesse. Dahil imortal si Jesus, hindi mapuputol ang angkan ni Jesse. (Ro 6:9) Ang pagiging Hukom at Hari ni Jesus sa langit ay may epekto sa kaugnayan niya kahit sa kaniyang mga ninuno. (Luc 1:32, 33; 19:12, 15; 1Co 15:25) Tinawag ni David si Jesus na kaniyang Panginoon. (Aw 110:1; Gaw 2:34-36) At sa darating na Milenyo, si Jesse ay mabubuhay sa lupa at patuloy na mabubuhay dahil sa mga pagpapala ng pantubos ni Jesus. Kaya sa panahong iyon, si Jesus ay magiging “Walang-Hanggang Ama” nina Jesse at David.—Isa 9:6.
-