-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 15Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
lingkod: Ang salitang Griego na lei·tour·gosʹ ay mula sa mga salitang la·osʹ, “mga tao,” at erʹgon, “trabaho.” Noong una, ang salitang ito ay ginagamit ng mga Griego para tumukoy sa mga nagtatrabaho sa ilalim ng sekular na mga awtoridad para sa kapakanan ng mga tao, at karaniwan nang mga boluntaryo sila. Mayroon ding ganitong kaayusan ang mga Romano. Sa Bibliya, ang terminong ito ay karaniwan nang tumutukoy sa mga gumagawa ng sagradong paglilingkod. Madalas gamitin ng Septuagint ang kaugnay na terminong lei·tour·giʹa para tumukoy sa “mga atas” (Bil 7:5), “gawain” (Bil 4:28), at ‘paglilingkod’ (1Cr 6:32 [6:17, LXX]) ng mga saserdote sa tabernakulo at templo ni Jehova sa Jerusalem. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong lei·tour·gosʹ para tumukoy sa sarili niya bilang “isang apostol para sa ibang mga bansa [o, mga bansang Gentil]” na naghahayag sa kanila ng mabuting balita ng Diyos. (Ro 11:13) Makikinabang nang husto ang publiko sa pangangaral na ito, lalo na ang mga tao ng ibang mga bansa.
Nakikibahagi . . . sa banal na gawain: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang pandiwang Griego na hi·e·rour·geʹo, at tumutukoy ito sa pakikibahagi sa isang banal na gawain o atas. Ang “banal na gawain” ni Pablo ay may kaugnayan sa paghahayag ng mabuting balita ng Diyos, ang mensaheng dala ng mga Kristiyano sa mga tao ng lahat ng bansa. (Tingnan ang study note sa Ro 1:1; 1:9.) Ginamit ni Pablo ang terminong ito para ipakitang alam niya kung gaano kabanal at kahalaga ang gawaing iyon. Ang ekspresyong ginamit ni Pablo ay kaugnay ng pandiwang isinaling ‘nagsisilbing saserdote’ (hi·e·ra·teuʹo) sa Luc 1:8 at ng termino para sa “templo” (hi·e·ronʹ) na ginamit sa Mat 4:5 at sa maraming iba pang talata. Posibleng ipinapakita ng magkakaugnay na terminong ito na ang nasa isip ni Pablo ay ang mga handog ng mga saserdote sa templo nang sabihin niyang ang mga bansang iyon na tatanggap sa mensahe ay mga handog sa Diyos. Ang mga handog na iyon ay kaayaaya sa Diyos at pinagpala niya sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.—Ro 1:1, 16.
-