-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 16Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ikumusta ninyo ako: Mula dito hanggang sa talata 15, bumati si Pablo sa 26 na Kristiyano na pinangalanan niya at sa maraming iba pang indibidwal o grupo. Kitang-kitang pinapahalagahan ni Pablo ang mga Kristiyanong babae dahil espesipiko niyang binanggit ang walo sa mga kapatid niyang ito: sina Prisca, Maria, Trifena, Trifosa, Persis, at Julia, gayundin ang ina ni Rufo at kapatid ni Nereo. Nang mga panahong ito, prominente na si Pablo at maraming taon nang naglilingkod bilang apostol ng mga bansa. (Gaw 9:15; Ro 1:1; 11:13) Pero gaya ng makikita sa pagbati niya, nagpapakita pa rin siya ng personal na interes sa mga kapananampalataya niya.
Prisca at Aquila: Napalayas sa Roma ang tapat na mag-asawang ito dahil sa utos ni Emperador Claudio laban sa mga Judio noong 49 C.E. o unang bahagi ng 50 C.E. Namatay si Claudio noong 54 C.E., at nang isulat ni Pablo ang liham niya sa mga Kristiyano sa Roma, noong mga 56 C.E., nakabalik na roon sina Prisca at Aquila. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:2.) Tinawag sila ni Pablo na mga kamanggagawa niya. Ang salitang Griego para sa “kamanggagawa,” sy·ner·gosʹ, ay lumitaw nang 12 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na ang karamihan ay makikita sa mga liham ni Pablo. (Ro 16:9, 21; Fil 2:25; 4:3; Col 4:11; Flm 1, 24) Kapansin-pansin na sa 1Co 3:9, sinabi ni Pablo: “Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.”
-