-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 16Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Malugod ninyong batiin ang isa’t isa: Lit., “Batiin ninyo ang isa’t isa ng banal na halik.” Sa apat na liham ni Pablo (dito at sa 1Co 16:20, tlb.; 2Co 13:12, tlb.; 1Te 5:26, tlb.), pinasigla niya ang mga kapuwa niya Kristiyano na batiin ang isa’t isa ng “banal na halik.” Gumamit din si apostol Pedro ng kahawig na ekspresyon: “Batiin ninyo ang isa’t isa ng halik ng pag-ibig.” (1Pe 5:14) Noong panahon ng Bibliya, ang paghalik ay tanda ng pagmamahal, paggalang, o kapayapaan. Normal lang ang paghalik kapag bumabati o nagpapaalam. (Ru 1:14; Luc 7:45) Karaniwan itong ginagawa ng babae at lalaking magkamag-anak (Gen 29:11; 31:28), ng dalawang lalaking magkamag-anak, at ng malapít na magkaibigan (Gen 27:26, 27; 45:15; Exo 18:7; 1Sa 20:41, 42; 2Sa 14:33; 19:39; tingnan ang study note sa Gaw 20:37). Noon, tanda ito ng kapatiran at pagkakaisa ng mga Kristiyanong pinagbuklod ng tunay na pagsamba. Hindi ito basta pormalismo o ritwal, at wala rin itong romantiko o seksuwal na kahulugan.—Ju 13:34, 35.
-