-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Hindi nakita ng mata, hindi narinig ng tainga: Hindi mababasa ang eksaktong pananalitang ito ni Pablo sa Hebreong Kasulatan kahit sumipi siya mula rito. Lumilitaw na kombinasyon ito ng Isa 52:15 at 64:4. Ang tinutukoy nina Pablo at Isaias ay hindi ang mga pagpapala ni Jehova sa hinaharap para sa bayan niya. Sa halip, ginamit ni Pablo ang pananalita ni Isaias para tumukoy sa mga pagpapalang natatanggap na ng mga Kristiyano noong unang siglo, kasama na ang espirituwal na kaliwanagan at pagkaunawa sa “malalalim na bagay ng Diyos.” (1Co 2:10) Walang halaga ang mga pagpapalang iyon sa mga taong hindi espirituwal. Hindi nila nakikita, o nauunawaan, ang espirituwal na mga katotohanan; at hindi nila naririnig, o naiintindihan, ang ganoong mga bagay. Hindi man lang pumapasok sa isip ng mga taong ito ang “mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.” Pero isinisiwalat ng Diyos ang mahahalagang katotohanang ito sa pamamagitan ng espiritu niya sa mga taong nakaalay sa kaniya, gaya ni Pablo.
-