-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kamanggagawa ng Diyos: Ang salitang Griego para sa “kamanggagawa,” sy·ner·gosʹ, ay lumitaw nang mahigit 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at karamihan nito ay nasa mga liham ni Pablo. Tumutukoy ito sa lahat ng nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. (Ro 16:9, 21; 2Co 1:24; 8:23; Fil 2:25; 4:3; Col 4:11; Flm 1, 24) Dito, idiniriin ni Pablo ang malaking pribilehiyo ng mga ministrong Kristiyano na maging “kamanggagawa ng Diyos.” (Tingnan ang study note sa 1Co 3:6.) Ganito rin ang punto ni Pablo sa 2Co 6:1 nang tawagin ng apostol ang mga Kristiyano na “mga kamanggagawa niya,” o ng Diyos.—2Co 5:20; tingnan ang study note sa Ro 16:3.
Kayo ang bukid ng Diyos na sinasaka niya: Ang Diyos at hindi si Pablo ang talagang May-ari ng “bukid,” na tumutukoy sa sumusulong na mga Kristiyano. Kung walang pagpapala at espiritu ng Diyos, hindi magbubunga ang lahat ng pagsisikap ni Pablo o ni Apolos. (Tingnan ang study note sa 1Co 3:6.) Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang terminong isinaling “bukid . . . na sinasaka” (sa Griego, ge·orʹgi·on). Kahit na maunlad ang Corinto dahil sa kalakalan, kilalá rin ito sa mabungang lupain nito. Bukod sa ilustrasyon tungkol sa pagsasaka, gumamit din si Pablo ng isa pang ilustrasyon sa talatang ito—tungkol naman sa pagtatayo. (Tingnan ang study note sa gusaling itinayo ng Diyos sa talatang ito.) Ibinagay ni Pablo ang mensahe niya sa iba’t ibang miyembro ng kongregasyon, dahil ang pagtatayo at pagsasaka ay dalawang karaniwang gawain noong panahong iyon.
gusaling itinayo ng Diyos: Dito, inihalintulad ni Pablo sa isang gusali ang kongregasyong Kristiyano. Sa sumunod na talata, inihalintulad niya ang sarili niya sa isang tagapagtayo na gumagawang kasama ng Diyos para sa isang proyekto—ang pagtulong sa mga Kristiyanong alagad na magkaroon ng matibay na pundasyon. (1Co 3:10-15) Sa 1Co 3:16 (tingnan ang study note), tinawag ni Pablo na “templo ng Diyos” ang kongregasyon. Sa Efe 2:21, 22, tinawag itong “banal na templo” na tinitirhan ng Diyos “sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.” Ibig sabihin, ginagamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, o di-nakikitang aktibong puwersa, para pakilusin ang mga miyembro ng kongregasyon, palakasin sila, at tulungang magkaroon ng mga katangiang bunga nito. (Gal 5:22, 23) Gumamit si apostol Pedro ng katulad na paghahambing nang tawagin niyang “buháy na bato” ang mga alagad. (1Pe 2:5) Ang mga apostol at mga propeta ang pundasyon, at si Jesus ang “pinakamahalagang batong pundasyon.”—Efe 2:20.
-