-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 7Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Kung tungkol sa isinulat ninyo: Gaya ng mababasa dito at sa 1Co 8:1, sumulat kay Pablo ang mga kapatid sa Corinto para magtanong tungkol sa pag-aasawa at sa pagkain ng mga inihain sa idolo.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:2; 8:1.
huwag humipo ng babae: Ibig sabihin, huwag makipagtalik sa isang babae. Kaayon ito ng ibang talata sa Bibliya kung saan ang ekspresyong “humipo” ay tumutukoy sa pakikipagtalik. (Kaw 6:29, tlb.) Hindi ipinagbabawal ni Pablo ang pagtatalik ng mga mag-asawa, dahil ipinayo pa nga niya na sapatan ng mga mag-asawa ang seksuwal na pangangailangan ng isa’t isa. (1Co 7:3-5; tingnan ang study note sa 1Co 7:3.) Kaya nang sabihin ni Pablo na “mas mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo ng babae,” inirerekomenda niya sa mga Kristiyano ang pananatiling walang asawa.—1Co 7:6-9; ihambing ang Mat 19:10-12.
-