-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 8Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ngayon may kinalaman sa pagkaing inihandog sa mga idolo: Noong unang siglo C.E., naghahandog ng hayop sa mga idolo ang mga Griego at Romano. May mga parte ng hayop na inilalagay sa altar. May parte na napupunta sa mga saserdote, at may parte na kinakain o pinagsasalo-saluhan ng mga mananamba. Pero ang natira ay ibinebenta sa “pamilihan ng karne.” (1Co 10:25) Sumulat kay Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto para itanong kung puwedeng kumain ng ganoong karne. (1Co 7:1a) Sa patnubay ng banal na espiritu, tinulungan sila ni Pablo na maintindihan na “walang halaga ang idolo” sa mga may-gulang na Kristiyano. (1Co 8:4) Pero sinabihan din niya ang mga Kristiyano na huwag magpunta sa templo ng mga idolo para kumain ng karne. Kapag kumain ang isang Kristiyano sa isang paganong templo, baka makita siya ng mga kapananampalataya niyang mahina sa espirituwal at isiping sumasamba siya sa idolo. Ang ilan sa kanila ay puwedeng matisod o kaya ay kumain pa nga ng karne sa mga relihiyosong seremonya ng mga pagano. (1Co 5:9, 10; 8:9, 10) Kapag ginawa nila iyon, malalabag nila ang utos ng lupong tagapamahala sa Gaw 15:28, 29.—Tingnan ang study note sa 1Co 8:4; 10:25.
-