-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 9Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kasali sa takbuhan: Mahalagang bahagi ng kulturang Griego ang paligsahan ng mga atleta, kaya epektibong nagamit ni Pablo ang mga paligsahang ito sa mga ilustrasyon niya. (1Co 9:24-27; Fil 3:14; 2Ti 2:5; 4:7, 8; Heb 12:1, 2) Pamilyar ang mga Kristiyano sa Corinto sa Palarong Isthmian na ginaganap malapit sa lunsod nila. Nagkakaroon ng ganitong palaro kada dalawang taon. Malamang na nasa Corinto si Pablo nang idaos ang palarong ito noong 51 C.E. Ikalawa ito sa pinakasikat na palaro noon, ang Olympics na ginaganap sa Olympia sa Gresya. Iba-iba ang haba ng tinatakbo ng mga kasali sa ganitong mga palarong Griego. Sa paggamit ni Pablo ng mananakbo at boksingero sa mga ilustrasyon niya, naituro niya ang kahalagahan ng pagpipigil sa sarili, pagiging epektibo, at pagtitiis.—1Co 9:26.
takbuhan: Ang terminong Griego na staʹdi·on ay isinalin ditong “takbuhan.” Ang salitang Griegong ito ay puwedeng tumukoy sa istraktura na ginagamit para sa takbuhan at iba pang malalaking pagtitipon, sa isang sukat ng distansiya, o sa mismong takbuhan. Sa kontekstong ito, ang mismong takbuhan ang tinutukoy ni Pablo. Iba-iba ang haba ng Griegong staʹdi·on, depende sa lugar. Sa Corinto, ito ay mga 165 m (540 ft). Ang Romanong estadyo naman ay mga 185 m, o 606.95 ft.—Tingnan ang Ap. B14.
isa lang ang tumatanggap ng gantimpala: Sa mga paligsahang Griego noon, ang nagwaging atleta ay tumatanggap ng isang putong, na karaniwan nang gawa sa dahon, bilang premyo. Ang koronang ito ay tanda ng malaking karangalan, at lumilitaw na idinidispley ito sa istadyum para makita ng mga kasali sa palaro ang premyo nila. Hinimok ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano na pagsikapang makuha ang premyo na di-hamak na nakahihigit sa isang nasisirang putong—ang di-nasisirang korona ng imortalidad. Para magwagi ang isang Kristiyano, dapat siyang tumitig sa gantimpala.—1Co 9:25; 15:53; 1Pe 1:3, 4; 5:4.
-