-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 11Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
walang lambong: Sa mga Judio noon at sa ilang lugar na naimpluwensiyahan ng kulturang Griego at Romano, itinuturing ng marami na mahinhin ang mga babaeng naglalambong sa publiko. Sa kabanatang ito, ipinakita ni Pablo na naglalambong din ang mga babaeng Kristiyano noong unang siglo. Lumilitaw na may mga babae noon, kasama na ang mga mangkukulam at mga babaeng lider ng iba’t ibang kulto, na nagtatanggal ng lambong at hinahayaang magulo at nakalugay ang buhok nila kapag diumano ay nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng mga espiritu. Hindi ito ginagawa sa loob ng kongregasyong Kristiyano dahil kawalang-galang ito sa kaayusan ni Jehova sa pagkaulo at pagpapasakop. Posibleng ito ang dahilan kaya nagpayo si Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto tungkol dito.—1Co 11:3-10; tingnan ang study note sa 1Co 11:10, 15.
babaeng ahit ang ulo: Gaya ng sinasabi ni Pablo dito, kahihiyan para sa isang babae na ahitin ang ulo niya o magpagupit nang sobrang ikli, posibleng dahil nakikita lang ang ahit na ulo sa mga alipin at posibleng sa mga babaeng nahuling nangangalunya. Gayundin, may binabanggit sa Hebreong Kasulatan na mga babaeng may “magandang ayos ng buhok” pero ‘nagpakalbo’ dahil sa pagdadalamhati. (Isa 3:24) Alinman dito ang nasa isip ni Pablo nang gamitin niya ang paghahalintulad na ito, ipinapakita lang niya na ang kahihiyan ng isang babaeng kalbo ay katulad ng kahihiyang dapat maramdaman ng isang Kristiyanong babae kung mananalangin siya o manghuhula sa kongregasyon nang walang lambong. Pagpapakita rin ito ng kawalang-galang sa kaayusan ng Diyos sa pagkaulo.—1Co 11:3-10; tingnan ang study note sa 1Co 11:15.
-