-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 11Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Hapunan ng Panginoon: Ang ekspresyong ito, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay tumutukoy sa isang pagdiriwang na pinasimulan ng Panginoong Jesu-Kristo noong Nisan 14 bago siya mamatay. Sa hapunang iyon, may tinapay na walang pampaalsa at alak, na sumasagisag sa katawan at dugo ni Kristo. Ang unang pagdiriwang ng okasyong iyon at ang iba pang mga pangyayari nang gabing iyon ay iniulat nina Mateo at Juan, na parehong nakasaksi sa mga pangyayari at naroon mismo sa hapunan. (Mat 26:17-30; Ju 13:1-38) Wala sina Marcos at Lucas sa okasyong iyon, pero may naiulat silang iba pang mga detalye. (Mar 14:17-26; Luc 22:7-39) At sa liham ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto, nagbigay siya ng karagdagang paliwanag at mga tagubilin tungkol sa hapunang ito. (1Co 10:16-22; 11:20-34) Sa mga ulat nina Lucas at Pablo, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Luc 22:19; 1Co 11:24, 25) Ganito naman ang mababasa sa ibang salin: “Gawin ninyo ito bilang paggunita sa akin”; “Gawin ninyo ito bilang memoryal para sa akin.” Kaya angkop lang na tawagin itong Memoryal. Idinaraos ang Hapunan ng Panginoon para alalahanin ang kamatayan ni Jesus, at ito lang ang nag-iisang okasyon na espesipikong binanggit sa Kasulatan na dapat ipagdiwang ng mga Kristiyano.
-