-
1 Corinto 13:12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
12 Sa ngayon, malabo pa ang nakikita natin na para bang tumitingin tayo sa isang salaming metal, pero makakakita rin tayo nang malinaw, na para bang nakikita natin nang mukhaan ang isang tao. Sa ngayon, kaunti pa lang ang alam ko tungkol sa Diyos, pero makikilala ko rin siya nang lubos* kung paanong lubos* niya akong nakikilala.
-
-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
malabo: Kadalasan nang tumutukoy ang terminong Griego na ito sa isang bugtong, pero puwede rin itong mangahulugang “malabo; kulang sa detalye.”
salaming metal: Noong panahon ng Bibliya, ang mga salamin ay karaniwan nang gawa sa pinakintab na metal—kadalasan nang bronse, pero minsan ay lata, tanso, pilak, o ginto. Malaking tulong ang salamin noon, pero mas malinaw pa rin na direktang tingnan ang isang bagay kaysa tingnan ito mula sa salamin. Ginamit ni Pablo ang salamin para sabihin na limitado ang pagkaunawa ng mga Kristiyano noon sa ilang espirituwal na mga bagay, lalo na sa mga hulang hindi pa natutupad. Hindi pa iyon ang panahon para isiwalat ng Diyos ang katuparan ng ilang hula, kaya malabo pa ang tingin ng mga Kristiyano sa layunin ng Diyos. Ipinapakita dito ni Pablo ang pagkakaiba kung sa salaming metal makikita ang isang tao at kung makikita siya nang mukhaan. Kaya makakakita lang nang malinaw ang mga Kristiyano, o lubusan nilang maiintindihan ang layunin ng Diyos, kapag natupad na ang mga hula sa Bibliya.
kung paanong lubos niya akong nakikilala: Ibig sabihin, lubos siyang nakikilala ng Diyos. Kilala ni Pablo ang Diyos, pero alam niyang di-hamak na mas kilala siya ng Diyos. Gayunman, alam niya na makikilala niya rin nang lubos si Jehova, o lubusan siyang magiging malapít sa Diyos, kapag natanggap na niya ang gantimpala niya sa langit.
-