-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 15Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
binabautismuhan para maging mga patay: Sa kabanata 15 ng 1 Corinto, pinatunayan ni Pablo na talagang may pagkabuhay-muli. Sa kontekstong ito, sinabi niya na ang mga pinahirang Kristiyano ay binautismuhan, o inilubog, sa isang paraan ng pamumuhay gaya ng kay Kristo—ang pananatiling tapat sa harap ng mga pagsubok hanggang kamatayan. Pagkatapos, iaahon sila, o bubuhaying muli, bilang espiritu gaya ni Jesus. Bahagi ng bautismong ito ang mga pagsubok na kagaya ng mga hinarap ni Jesus at kadalasan nang nauuwi sa kamatayang dinanas niya. (1Co 15:30-34) Pero may pag-asang mabuhay-muli sa langit ang tapat na mga pinahirang Kristiyano. Kaya ang bautismong ito ay lumilitaw na kaugnay ng bautismong binanggit ni Jesus sa Mar 10:38 at ni Pablo sa Ro 6:3.—Tingnan ang study note sa Mar 10:38; Ro 6:3.
para maging: Ang ekspresyong ito ay salin ng Griegong pang-ukol na hy·perʹ, na literal na nangangahulugang “higit,” pero puwedeng mag-iba ang kahulugan nito depende sa konteksto. Sa ilang Bibliya, isinalin ang pariralang ito na “binabautismuhan para sa mga patay.” Dahil sa ganitong salin, inisip ng ilan na ang talatang ito ay nangangahulugang pagbabautismo sa mga buháy para sa mga patay, o bilang kahalili nila. Pero walang binabanggit sa Bibliya na ganiyang klase ng bautismo, at wala ring patunay na ginagawa iyan noong panahon ni Pablo. Isa pa, hindi rin iyan magiging kaayon ng iba pang bahagi ng Bibliya na malinaw na nagsasabing ang mga binabautismuhan ay “mga alagad” na “masayang tumanggap” sa mensahe ng Diyos at ‘naniwala’ rito.—Mat 28:19; Gaw 2:41; 8:12.
-