-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 15Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ang unang taong si Adan . . . Ang huling Adan: Sa unang bahagi ng talata, sinipi ni Pablo ang Gen 2:7 (“ang tao ay nagkaroon ng buhay”), pero idinagdag niya ang mga salitang “unang” at “Adan.” Sa ikalawang bahagi ng talata, tinawag naman niya si Jesus na “ang huling Adan.” At sa 1Co 15:47, tinawag ni Pablo na “unang tao” si Adan at “ikalawang tao” naman si Jesus. Sumuway ang unang Adan sa kaniyang Ama at Tagapagbigay-Buhay; pero lubusang sumunod sa Kaniya ang huling Adan. Naipasa ng unang Adan sa mga supling niya ang kasalanan; ibinigay naman ng huling Adan ang buhay niya bilang tao para matubos sila sa kasalanan. (Ro 5:12, 18, 19) Pagkatapos, binuhay-muli ni Jehova si Jesus bilang espiritu. (1Pe 3:18) Perpektong tao si Jesus gaya ni Adan, kaya kaayon ng pamantayan ni Jehova sa katarungan, puwede Niyang tanggapin ang hain ni Jesus bilang “pantubos” sa mga inapo ni Adan. Dahil sa pantubos na ito, maibabalik sa mga tao ang buhay na naiwala ni Adan. (1Ti 2:5, 6) Kaya tama lang na tawagin si Jesus na “ang huling Adan,” dahil ipinapakita ng terminong ito na hindi na kailangan ng isa pang Adan pagkatapos niya.—Ihambing ang study note sa Luc 3:38; Ro 5:14.
nagkaroon ng buhay: Sinipi dito ni Pablo ang Gen 2:7, kung saan ang salitang Hebreo na neʹphesh ay isinaling “buhay.” Literal itong nangangahulugang “isang humihingang nilalang.”—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
-