-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 15Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Kaya . . . maging matatag kayo, di-natitinag: Ang salitang Griego na isinaling “matatag” ay nangangahulugang “matibay; hindi maaalis sa puwesto.” Sa Col 1:23, isinalin ding “matatag” ang terminong ito sa ekspresyong “nakatayong matatag sa pundasyon.” Tumutukoy ito sa paninindigan ng isa dahil sa matibay na pananampalataya niya sa Diyos at sa Kaniyang mga pangako. (1Pe 5:9) Ganiyan din ang kahulugan ng ekspresyong “di-natitinag.” Tumutukoy ito sa isang bagay na nananatili sa puwesto nito at hindi magagalaw. Kahit mapaharap ang isang Kristiyano sa mga problema at pagsubok sa pananampalataya, may pag-asa siya na gaya ng isang “angkla” na nakakatulong sa barko na huwag madala ng alon. (Heb 6:19) Parehong ginamit ni Pablo ang mga terminong isinaling “matatag” at “di-natitinag” para ipakita na gustong-gusto niyang manghawakan ang mga kapatid niyang taga-Corinto sa kanilang pag-asa at pananampalataya at na nagtitiwala siyang “hindi masasayang ang pagpapagal [nila] para sa Panginoon.”
ginagawa para sa Panginoon . . . para sa Panginoon: Sa kontekstong ito, ang terminong Griego na Kyʹri·os (“Panginoon”) ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo. Dito, ang “Panginoon” ay mas malamang na tumutukoy kay Jehova, dahil sinabi ni Pablo na tayo ay “mga kamanggagawa ng Diyos” sa ministeryong Kristiyano, at tinawag niya rin ang ministeryong ito na “gawain ni Jehova.” (1Co 3:9; 16:10; Isa 61:1, 2; Luc 4:18, 19; Ju 5:17; Ro 12:11) Isa pa, noong nagtuturo si Jesus tungkol sa espirituwal na pag-aani, tinawag niya ang Diyos na Jehova na “Panginoon (sa Griego, Kyʹri·os) ng pag-aani.” (Mat 9:38) Pero posible ring ang nasa isip ni Pablo ay ang gawain, o ministeryo, na pinangunahan ni Jesus noong nandito siya sa lupa. (Mat 28:19, 20) Sinuman ang tinutukoy rito, malaking pribilehiyo para sa mga ministrong Kristiyano na maging kamanggagawa ng Kataas-taasang Panginoong Jehova at ng Panginoong Jesu-Kristo sa paghahayag ng mabuting balita.
-