-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
lingkod: O “ministro.” Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para tumukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. (Tingnan ang study note sa Mat 20:26.) Dito, tinukoy ni Pablo ang sarili niya, si Timoteo, at ang lahat ng pinahirang Kristiyano bilang “mga lingkod ng isang bagong tipan.” (2Co 1:1) Kasama sa paglilingkod nila ang pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita para tulungan ang iba na maging bahagi ng bagong tipan o makinabang dito.—Tingnan ang study note sa Ro 11:13.
isang bagong tipan: Sa pamamagitan ni propeta Jeremias, inihula ni Jehova na magkakaroon ng “isang bagong tipan” na naiiba sa tipang Kautusan. (Jer 31:31-34) Ang tipang Kautusan ay sa pagitan ni Jehova at ng likas na Israel; ang bagong tipan naman ay sa pagitan ni Jehova at ng espirituwal na Israel. Si Moises ang tagapamagitan ng tipang Kautusan; si Jesus naman ang Tagapamagitan ng bagong tipan. (Ro 2:28, 29; Gal 6:15, 16; Heb 8:6, 10; 12:22-24) Nagkabisa ang tipang Kautusan sa pamamagitan ng dugo ng hayop; nagkabisa naman ang bagong tipan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, gaya ng sinabi niya nang banggitin niya ang “bagong tipan” noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., bago siya mamatay.—Luc 22:20 at study note; 1Co 11:25.
hindi ng isang nasusulat na Kautusan: Ang mga pinahirang Kristiyano ay hindi lingkod ng tipang Kautusan, na may mga bahaging nakasulat sa tapyas ng bato, at nang maglaon ay inilipat sa mga balumbon. Hindi ganiyan ang bagong tipan, na ginagabayan ng espiritu ng Diyos. Ang nasusulat na Kautusan ay nagpataw ng hatol na kamatayan sa mga Israelita, samantalang ang mga lingkod ng bagong tipan ay ginagabayan ng espiritu ng Diyos tungo sa buhay na walang hanggan. Tinutulungan sila ng espiritung iyon na makapanatiling tapat at magkaroon ng mga katangian na kailangan nila para matanggap ang kanilang gantimpala.—2Co 1:21, 22; Efe 1:13, 14; Tit 3:4-7.
-