-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kayamanang ito kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad: Sa Kasulatan, madalas na ihalintulad ang mga tao sa mga sisidlang luwad. (Job 10:9; Aw 31:12) Noong panahon ni Pablo, may mga tambak ng sirang sisidlan malapit sa mga daungan o pamilihan. Ginagamit ang mga sisidlang ito para paglagyan ng pagkain o likido—alak, butil, langis—pati na ng mga baryang pilak at ginto. Kadalasan na, ang mga sisidlan ay nasisira o itinatapon kapag naihatid na ang mahahalagang laman ng mga ito. Mura lang ang mga sisidlang luwad, pero malaking tulong ang mga ito sa paghahatid ng mahahalagang produkto. Ginagamit din ang mga sisidlang ito para maingatan ang mahahalagang bagay. (Jer 32:13-15) Ang isang halimbawa ay ang mga Dead Sea Scroll, na naingatan sa mga sisidlan sa may Qumran. Ang “kayamanang” tinutukoy ni Pablo sa ilustrasyon niya ay ang bigay-Diyos na atas, o ministeryo, na ipangaral ang nagliligtas-buhay na mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mat 13:44; 2Co 4:1, 2, 5) Ang mga sisidlang luwad ay tumutukoy sa mga taong pinagkatiwalaan ni Jehova ng kayamanang ito. Kahit na ordinaryo lang sila, di-perpekto, at may mga limitasyon, ginagamit sila ng Diyos para maihatid ang “kayamanang” ito sa mga tao.
lakas na higit sa karaniwan: Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na hy·per·bo·leʹ para ilarawan ang lakas na “higit sa karaniwan,” na Diyos lang ang makakapagbigay.—Tingnan ang study note sa 2Co 12:7.
-