-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 8Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
napakabukas-palad: O “nag-uumapaw sa pagkabukas-palad.” Gustong pasiglahin ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na ipadala na ang tulong nila sa mga Kristiyano sa Judea na nangangailangan. Kaya binanggit niya ang napakagandang halimbawa ng “mga kongregasyon sa Macedonia,” gaya ng Filipos at Tesalonica, pagdating sa pagiging bukas-palad. (Ro 15:26; 2Co 8:1-4; 9:1-7; Fil 4:14-16) Talagang kahanga-hanga sila dahil masaya silang nagbigay kahit “napakahirap” nila at nagdurusa sila dahil sa matinding pagsubok. Posibleng inaakusahan ang mga Kristiyano sa Macedonia na sumusunod sa mga kaugaliang labag sa batas ng mga Romano, gaya ng nangyari noon kay Pablo sa Filipos. (Gaw 16:20, 21) May mga nagsasabi naman na ang pagsubok na tinutukoy dito ay may kaugnayan sa kahirapan nila. Ang mga pagsubok na ito ang posibleng dahilan kung bakit naiintindihan ng mga taga-Macedonia ang mga kapatid nila sa Judea, na kapareho nila ng pinagdaraanan. (Gaw 17:5-9; 1Te 2:14) Kaya gustong tumulong ng mga Kristiyano sa Macedonia, at masaya nilang ibinigay ang “higit pa nga sa kaya nilang ibigay.”—2Co 8:3.
-