-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 11Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang malasakit ko sa inyo ay gaya ng malasakit ng Diyos: O “ang pagseselos ko para sa inyo ay gaya ng pagseselos ng Diyos.” Ang mga salitang Griego dito na puwedeng isaling “pagseselos” ay nagpapahiwatig ng matinding damdamin na puwedeng positibo o negatibo. Positibo ang kahulugan ng mga ito sa talatang ito. Puwede itong tumukoy sa pagpapakita ng personal na interes at matinding malasakit sa iba, na ekspresyon ng tunay na pagmamahal. Ganiyan ang naramdaman ni Pablo para sa mga kapananampalataya niyang pinahiran. Inihalintulad niya sila sa isang malinis na birhen na ipinangakong mapangasawa ng isang lalaki, si Jesu-Kristo. Dahil sa malasakit ni Pablo sa buong kongregasyon, gusto niya silang protektahan mula sa espirituwal na panganib at manatiling malinis para kay Kristo. Kaya ang “malasakit [lit., “sigasig”] ng Diyos” sa talatang ito ay hindi lang tumutukoy sa personal na interes ni Jehova sa mga mahal niya, kundi pati sa matinding kagustuhan niyang protektahan sila mula sa panganib.—Para sa negatibong kahulugan ng pandiwang Griego na ginamit dito, tingnan ang study note sa 1Co 13:4.
malinis: O “dalisay.” Ang nobya ni Kristo ay binubuo ng 144,000 pinahiran. Ang bawat isa sa kanila ay nakapanatiling birhen sa makasagisag na diwa dahil nanatili silang hiwalay sa sanlibutan at malinis sa moral at espirituwal.—Apo 14:1, 4; ihambing ang 1Co 5:9-13; 6:15-20; San 4:4; 2Ju 8-11; Apo 19:7, 8.
-