-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Patuloy na subukin: May ilan sa Corinto na kumukuwestiyon kay Pablo at naghahanap ng patunay kung talagang kinatawan siya ni Kristo. (2Co 13:3) Nagpayo si Pablo na kailangan nilang “patuloy na subukin” ang kanilang sarili. Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ginamit ni Pablo para sa “subukin” ay nangangahulugang “pagsikapang alamin kung ano talaga ang isang bagay.” Malalaman nila ang totoong kalagayan ng espirituwalidad nila kapag tiningnan nila kung kaayon ng mahahalagang katotohanang natutuhan nila ang kanilang mga ginagawa sa araw-araw, saloobin, at mga desisyon. Makakatulong sa kanila ang paggawa nito para patuloy na mapatunayan na tunay silang mga Kristiyano. Ang terminong ginamit ni Pablo para sa “patunayan” ay puwedeng gamitin sa mga konteksto kung saan kailangang subukin kung tunay ang isang bagay, gaya ng ginagawa sa mga metal.
nasa pananampalataya: Gaya ng pagkakagamit dito ni Pablo, ang ekspresyong “pananampalataya” ay tumutukoy sa kalipunan ng mga turo at paniniwala ng mga Kristiyano. (Gaw 6:7; Gal 6:10; Efe 4:5; Jud 3) Kasingkahulugan ito ng “katotohanan” sa Gal 5:7, 2Pe 2:2, at 2Ju 1. Idiniriin dito ni Pablo na hindi sapat na malaman ang mga katotohanan at prinsipyong itinuro ni Jesus; dapat na “nasa pananampalataya” ang isang Kristiyano, ibig sabihin, isinasabuhay niya ang mga katotohanang iyon.—2Co 12:20, 21.
-