-
Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ngayon pa lang ay tumatalikod na kayo: Binanggit dito ni Pablo ang isang mahalagang dahilan kung bakit niya isinulat ang liham na ito. Kahit hindi pa natatagalan mula nang bumisita si Pablo sa rehiyon, may ilan na sa mga kongregasyon sa Galacia na tumalikod sa mga katotohanang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Sa liham na ito, kasama sa mga sinabi ni Pablo na ‘nanlilinlang’ sa kanila (Gal 3:1) ang “nagkukunwaring mga kapatid na pumasok nang tahimik” sa mga kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Gal 2:4; 3:1.) Ang ilan sa mga ito ay ang mga nagtataguyod ng Judaismo; ipinipilit nila na dapat pa ring sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa Gal 1:13.) Hindi pa rin sila nanahimik kahit na sinabi na ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem na hindi obligado ang mga Gentil na sumunod sa Kautusang Mosaiko. (Gaw 15:1, 2, 23-29; Gal 5:2-4) Ipinahiwatig ni Pablo na natatakot sila sa pag-uusig ng mga Judio at ayaw nilang magalit sa kanila ang mga ito. (Gal 6:12, 13) Posible ring pinaparatangan si Pablo ng nagkukunwaring mga kapatid na ito na hindi siya totoong apostol, at gusto nilang ilayo sa kaniya ang mga kongregasyon. (Gal 1:11, 12; 4:17) Posibleng may ilan sa mga taga-Galacia na imoral, mahilig makipag-away, at mapagmataas. Sa dulong bahagi ng liham ni Pablo, sinabi niya na ang makalamang mga gawaing ito ay maglalayo sa kanila sa Diyos.—Gal 5:13–6:10.
ibang uri ng mabuting balita: May itinuturo ang “nagkukunwaring mga kapatid” (Gal 2:4) na “iba sa mabuting balita” na natutuhan ng mga Kristiyano sa Galacia. Kasama sa mabuting balita na inihayag sa kanila ni Pablo ang “mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Gal 1:7, 8) Tungkol ito sa kalayaang naging posible dahil kay Kristo—kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at mula sa Kautusang Mosaiko. (Gal 3:13; 5:1, 13 at study note) Ang mabuting balitang ito ay “hindi galing sa tao.”—Gal 1:8, 9, 11, 12; 2Co 11:4; tingnan ang study note sa Gal 1:8.
-