-
Galacia 1:10Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
10 Pabor nga ba ng tao ang sinisikap kong makuha o pabor ng Diyos? Sinisikap ko bang palugdan ang mga tao? Kung mga tao pa rin ang pinalulugdan ko, hindi ako magiging alipin ni Kristo.
-
-
Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Pabor nga ba ng tao ang sinisikap kong makuha o pabor ng Diyos?: Ipinagtanggol ni Pablo ang sarili niya dahil lumilitaw na sinasabi ng “nagkukunwaring mga kapatid” sa Galacia na binabago niya ang mensahe niya para kampihan siya ng mga Kristiyano sa Galacia. (Gal 2:4) Halimbawa, lumilitaw na sinasabi ng mga kaaway ni Pablo na itinataguyod niya ang pagtutuli kapag pabor ito sa kaniya. (Gal 5:11) Ang salitang Griego na peiʹtho, na isinalin ditong ‘sinisikap makuha ang pabor,’ ay nangangahulugan ding “pakiusapan; kumbinsihin.” Siyempre, ang mahalaga kay Pablo ay ang pabor ng Diyos, hindi ng tao. Totoo, ibinabagay ni Pablo sa mga tao ang paraan ng paghaharap niya ng mabuting balita (tingnan ang study note sa 1Co 9:22), pero hindi niya binabago ang mismong mensahe para lang makuha ang pabor ng iba’t ibang grupo ng tao. (Tingnan ang study note sa Sinisikap ko bang palugdan ang mga tao sa talatang ito.) Sa naunang mga talata, nilinaw niya na iisa lang ang mensahe ng katotohanan, “ang mabuting balita tungkol sa Kristo.”—Gal 1:6-9.
Sinisikap ko bang palugdan ang mga tao?: May mga nagsasabi na nambobola si Pablo para paboran siya ng mga tao. Ang sagot sa tanong na ito ni Pablo ay “Siyempre, hindi!” Kung sinisikap niyang palugdan ang mga tao, hindi na siya magpapaalipin kay Kristo.—1Te 2:4.
-