-
Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kumakain siyang kasama ng mga tao ng ibang mga bansa: Ang pagkaing kasama ng iba ay nagpapahiwatig ng malapít na samahan at kadalasan nang may kasama itong panalangin, kaya hindi talaga nakasanayan ng mga Judio na kumaing kasama ng mga Gentil. Sa katunayan, pinagbawalan ang mga Israelita na makihalubilo sa ibang mga bansa na nanatili sa Lupang Pangako o banggitin man lang ang diyos ng mga ito. (Jos 23:6, 7) Pagdating ng unang siglo C.E., gumawa ng karagdagang mga restriksiyon ang mga Judiong lider ng relihiyon; itinuturo nila na nagpaparumi sa seremonyal na paraan ang pagpasok sa bahay ng isang Gentil.—Ju 18:28.
itinigil niya ito at iniwasan ang mga taong iyon: Noong 36 C.E., ginamit ni Pedro, isang Judiong Kristiyano, ang ikatlong “susi ng Kaharian” para buksan ang pagkakataon kay Cornelio at sa sambahayan niya na maging unang mga Kristiyano na hindi Judio o Judiong proselita. (Tingnan ang study note sa Mat 16:19.) Ilang araw na nanatili sa Pedro sa bahay nina Cornelio, at siguradong maraming beses siyang kumaing kasama ng mga Gentil na ito. (Gaw 10:48; 11:1-17) Ipinagpatuloy niya ang pagkaing kasama ng mga Kristiyanong Gentil, at tama iyon. Pero pagkalipas ng mga 13 taon, habang nasa Antioquia ng Sirya si Pedro, bigla na lang niya itong “itinigil.” Natatakot kasi siya sa magiging reaksiyon ng ilang Judiong Kristiyano na galing sa Jerusalem. Ang mga lalaking ito ay isinugo ni Santiago, kaya lumilitaw na nakasama nila si Santiago sa Jerusalem. (Tingnan ang study note sa Gaw 15:13.) Hindi pa natatanggap ng mga lalaking ito ang pagbabago, at ipinipilit pa rin nila ang mahigpit na pagsunod sa Kautusang Mosaiko at sa ilang kaugaliang Judio. (Tingnan ang study note sa Gaw 10:28.) Dahil sa ginawang iyon ni Pedro, puwedeng mabale-wala ang desisyong kagagawa pa lang ng lupong tagapamahala nang taon ding iyon, mga 49 C.E. Pinagtibay ng desisyong iyon na hindi kailangan ng mga Kristiyanong Gentil na sumunod sa Kautusang Mosaiko. (Gaw 15:23-29) Iniulat dito ni Pablo ang nangyari sa Antioquia, hindi para ipahiya sa Pedro, kundi para ituwid ang maling pananaw ng mga taga-Galacia.
mga tagasuporta ng pagtutuli: Tumutukoy sa ilang tuling Judiong Kristiyano na nagmula sa kongregasyon sa Jerusalem. Sa ibang paglitaw ng ekspresyong Griego na ito, isinalin itong “mga tagapagtaguyod ng pagtutuli,” “mga tuli,” at “mga nanghahawakan sa pagtutuli.”—Gaw 11:2; Col 4:11; Tit 1:10.
-