-
Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang espiritu na nasa Anak niya: Dito, ang “espiritu” ay tumutukoy sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Sa pamamagitan ng Anak niya, inilalagay niya ito sa puso ng mga Kristiyanong pinipili niya.—Ihambing ang Gaw 2:33 at study note sa Gaw 16:7.
Abba: Transliterasyon sa Griego ng salitang Hebreo o Aramaiko na tatlong beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Literal itong nangangahulugang “ang ama” o “O Ama” at isang magiliw na tawag ng anak sa kaniyang minamahal na ama. (Tingnan ang study note sa Mar 14:36.) Ang kausap dito ni Pablo at sa Ro 8:15 ay ang mga Kristiyanong tinawag para maging anak ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu. Dahil naampon na sila ng Diyos, puwede na nilang tawagin si Jehova gamit ang ekspresyong hindi puwedeng itawag ng isang alipin sa kaniyang panginoon, maliban na lang kung inampon siya nito. Kaya kahit ang mga pinahirang Kristiyano ay mga “alipin ng Diyos” at “binili,” mga anak din sila sa sambahayan ng mapagmahal nilang Ama. At malinaw na ipinapaalám sa kanila ng banal na espiritu na ganito na ang kalagayan nila.—Ro 6:22; 1Co 7:23.
Ama: Ang lahat ng tatlong paglitaw ng Abba sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay sinusundan ng saling ho pa·terʹ sa Griego, na literal na nangangahulugang “ang ama” o “O Ama.”
-