-
Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
nakilala na ninyo ang Diyos: Dahil sa pangangaral ni Pablo, “nakilala” ng maraming Kristiyano sa Galacia ang Diyos. Ang pandiwang isinaling “nakilala” sa talatang ito ay nagpapahiwatig ng magandang ugnayan sa pagitan ng magkakilala. (1Co 8:3; 2Ti 2:19) Kaya para ‘makilala ang Diyos,’ hindi sapat na alamin lang ang mga pangunahing katotohanan tungkol sa kaniya. Kailangan nating magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Ju 17:3.
o mas tamang sabihin, ngayong nakilala na kayo ng Diyos: Sa paggamit ni Pablo ng pananalitang ito, ipinakita niya na para ‘makilala ng isang tao ang Diyos,’ dapat na kilala rin siya, o sinasang-ayunan, ng Diyos. Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para sa “makilala” ay nangangahulugang “magkaroon ng malapít na kaugnayan sa isa at makita ang kaniyang personalidad o halaga.” Kaya para makilala ng Diyos ang isang tao, dapat siyang mamuhay kaayon ng pamantayan, pamamaraan, at personalidad ng Diyos.
walang-kabuluhang: O “malapulubing.” Ang ilang Kristiyano sa Galacia ay bumabalik sa panimulang mga bagay na ginagawa nila noon. Posibleng kasama rito ang pagsunod sa mga pilosopiya ng tao o sa turo na dapat pa ring sumunod ang mga Kristiyano sa Kautusang Mosaiko o sa ilang utos nito. (Col 2:8, 16-18, 20; tingnan ang study note sa Gal 4:3.) Inilarawan ni Pablo ang panimulang mga bagay na ‘walang kabuluhan’ gamit ang terminong Griego na literal na nangangahulugang “mahirap, nangangailangan.” Puwede rin itong mangahulugang “miserable” o “walang kuwenta.” Talagang ‘walang kabuluhan’ ang gayong mga bagay kumpara sa espirituwal na mga pagpapalang matatanggap nila sa pamamagitan ni Kristo Jesus.
-