-
Mga Study Note sa Efeso—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na mga awit: Naging bahagi rin ng pagsamba ng unang-siglong mga Kristiyano ang pag-awit ng papuri kay Jehova. Ang salitang Griego para sa “salmo” (psal·mosʹ), na ginamit din sa Luc 20:42; 24:44; at Gaw 13:33, ay tumutukoy sa mga awit sa Hebreong Kasulatan. Pero may mga nagawa ring awit ang mga Kristiyano noon—mga “papuri sa Diyos,” o himno, at “espirituwal na mga awit,” o mga awit tungkol sa espirituwal na mga bagay. Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Colosas, pinayuhan niya ang mga Kristiyano na turuan at patibayin ang isa’t isa sa pamamagitan ng “mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na awit.”—Col 3:16.
umawit ng papuri: O “gumawa ng musika para.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito (psalʹlo) ay nangangahulugan noong una na “tumugtog ng instrumentong de-kuwerdas.” Madalas itong ipinanunumbas ng Septuagint sa terminong Hebreo na nangangahulugang “gumawa ng musika” o “umawit ng papuri,” sinasabayan man ito ng instrumento (Aw 33:2; 98:5) o hindi (Aw 7:17; 9:11; 108:3). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, lumitaw rin ang pandiwang ito sa Ro 15:9; 1Co 14:15 (“aawit . . . ng papuri”); at San 5:13 (“umawit . . . ng mga salmo”). Ayon sa isang diksyunaryo, ang ekspresyong ito ay nangangahulugang “umawit ng mga awit ng papuri, may instrumento man o wala, gaya ng pagkakagamit nito [sa Lumang Tipan].”
umawit . . . kay Jehova: Ang pariralang ito at ang iba pang kahawig na ekspresyon ay madalas lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Tumutukoy ang mga ito sa pagpuri kay Jehova sa pamamagitan ng awit. (Exo 15:1; 1Cr 16:23; Aw 13:6; 96:1; 104:33; 149:1; Jer 20:13) Mga 10 porsiyento ng nilalaman ng Bibliya ay mga awit para sa pagsamba kay Jehova; ang karamihan nito ay makikita sa Awit, Awit ni Solomon, at Panaghoy. Lumilitaw na umaawit din ng papuri sa Diyos ang mga lingkod niya noong panahon ni Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 26:30.) Ipinapahiwatig ng sinabi ni Pablo sa 1Co 14:15 na regular na bahagi ng pagsamba ng mga Kristiyano ang pag-awit.—Gaw 16:25; Col 3:16; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Efe 5:19.
mula sa inyong puso: O “sa inyong puso.” Sa Bibliya, kapag ginagamit ang terminong “puso” sa makasagisag na paraan, karaniwan nang tumutukoy ito sa panloob na pagkatao, kasama na ang mga kaisipan, motibo, katangian, damdamin, at emosyon. (Ihambing ang Aw 103:1, 2, 22.) Malawak ang kahulugan ng ekspresyong Griego na ginamit dito at sa Col 3:16, at puwede itong tumukoy sa pag-awit nang tahimik. Ibig sabihin, punô ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay ang puso at isip ng isa na umaawit ng papuri sa Diyos, na sinasaliwan ng musika. Puwede ring isalin ang ekspresyong Griegong ito na “nang may puso,” at nagpapahiwatig ito ng taos-pusong pag-awit nang may tamang saloobin.
-