-
Mga Study Note sa Efeso—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
malaking kalasag ng pananampalataya: Ang salitang Griego para sa “malaking kalasag” na ginamit dito ni Pablo ay galing sa salita para sa “pinto.” Ang kalasag ng isang sundalong Romano ay pakurba at parihaba, at kaya nitong takpan ang katawan niya mula balikat hanggang tuhod. Karaniwan nang gawa ito sa kahoy na nababalutan ng katad. Napapalibutan ng metal ang gilid nito, at may malaking metal din ito sa gitna. Ginagamit ng sundalo ang kalasag niya para salagin ang mga palaso o iba pang pag-atake sa kaniya. Ipinapakita ng ilustrasyon ni Pablo na kayang harapin ng isang Kristiyano ang iba’t ibang pagsubok dahil sa matibay na pananampalataya niya, o pananalig at pagtitiwala kay Jehova at sa mga pangako ng Diyos.—Heb 11:1.
nagliliyab na palaso: Ang salitang Griego para sa “palaso” ay puwede ring isaling “sibat.” Karaniwan sa mga digmaan noon ang pagpapahilagpos ng maaapoy na palaso o iba pang bagay, at kung minsan ay gumagamit pa sila ng petrolyo para dito. Posibleng nasasalag iyan ng mga sundalong Romano gamit ang kalasag nila. Ipinapakita ng ilustrasyon ni Pablo na dahil sa pananampalataya, masasalag ng isang Kristiyano ang lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama, o mga pag-atake ni Satanas. May mga kilala si Pablo na mga Kristiyanong ‘nalamangan ni Satanas,’ at alam niyang napakaraming pakana ng Diyablo. (2Co 2:11) Ang ilan sa mga makasagisag na palaso na ginagamit ni Satanas ay imoralidad, materyalismo, takot, at pagdududa. (Ro 8:15; Col 3:5, 6) Pero malalabanan ng isa ang anumang maapoy na pagsalakay sa kaniya kung matibay ang pananampalataya niya kay Jehova.—1Pe 5:8, 9.
-