-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Akong si Pablo at si Timoteo: Si Pablo ang sumulat ng liham na ito sa mga taga-Filipos, pero isinama niya si Timoteo sa kaniyang panimulang pagbati. Kasama ni Pablo si Timoteo sa Roma noong unang mabilanggo si Pablo doon. Binanggit din ni Pablo si Timoteo sa dalawa pang liham na isinulat niya sa Roma noong mga panahong iyon—ang liham niya sa mga taga-Colosas at kay Filemon. (Col 1:1, 2; Flm 1) Lumilitaw na nabilanggo rin si Timoteo sa Roma noong isinusulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Filipos at bago niya isulat ang liham sa mga Hebreo.—Fil 2:19; Heb 13:23.
mga alipin ni Kristo Jesus: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.
banal: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
Filipos: Tingnan ang study note sa Gaw 16:12.
mga tagapangasiwa: Ginamit dito ni Pablo ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego para sa “tagapangasiwa” (e·piʹsko·pos) para tukuyin ang mga nangunguna sa kongregasyon sa Filipos. (Ihambing ang Gaw 20:28.) Sa ibang liham niya, binanggit niya na isang “lupon ng matatandang lalaki” ang nagbigay ng espesyal na atas kay Timoteo. (1Ti 4:14) Kahit minsan, walang ipinahiwatig si Pablo na nag-iisa lang ang tagapangasiwa sa isang kongregasyon. Ipinapakita nito kung paano inoorganisa ang mga kongregasyon noong unang siglo. Pareho ang kahulugan ng “mga tagapangasiwa” at “matatandang lalaki” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at tumutukoy ang mga ito sa iisang pananagutan. (Gaw 20:17, 28; Tit 1:5, 7; ihambing ang 1Pe 5:1, 2.) Nakadepende ang bilang ng mga tagapangasiwa sa isang kongregasyon sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikadong maging “matatandang lalaki.”—Gaw 14:23; tingnan ang study note sa Gaw 20:17, 28.
mga ministeryal na lingkod: O “mga katulong.” Ang salitang Griego na di·aʹko·nos, na literal na nangangahulugang “lingkod,” ay ginamit dito para tumukoy sa inatasang “mga ministeryal na lingkod” sa kongregasyong Kristiyano. Ganito rin ang pagkakagamit ng terminong ito sa 1Ti 3:8, 12. Ang ginamit na termino ni Pablo ay nasa anyong pangmaramihan, kaya ipinapakita nito na sa isang kongregasyon, maraming ganitong lingkod na gumaganap ng iba’t ibang atas para makatulong sa mga tagapangasiwa. May mga Bibliya na gumamit sa talatang ito ng mga titulong “mga obispo at mga diyakono,” sa halip na “mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod,” para masuportahan ang itinuturo ng Sangkakristiyanuhan na may nakakataas na mga posisyon sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Pero ipinapakita ng tumpak na mga salin na hindi nagiging mataas ang isang Kristiyano kapag nabibigyan siya ng mga pananagutan sa kongregasyon. Idinidiin ng saling “mga ministeryal na lingkod” na naglilingkod ang masisipag na lalaking ito sa kongregasyon.
-