-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pagkabilanggo ko: Malamang na mas maraming beses na nabilanggo si Pablo kaysa sinumang apostol. (Ihambing ang 2Co 11:23.) Mga 10 taon bago nito, nabilanggo si Pablo nang maikling panahon sa Filipos. (Gaw 16:22-24) Ngayon, habang isinusulat niya ang liham sa mga taga-Filipos, nakabilanggo siya sa sarili niyang bahay sa Roma. Laging may nakabantay na sundalo kay Pablo habang hinihintay niya na litisin siya sa harap ni Cesar. (Gaw 25:11, 12; 28:30, 31) Alam ng mga taga-Filipos na kailangan ni Pablo ng tulong habang nakabilanggo, kaya nagpadala sila kay Epafrodito ng materyal na suporta para kay Pablo. At noong kasama na ni Pablo si Epafrodito, naging malaking tulong ito sa kaniya, at isinapanganib pa nga nito ang sariling buhay para sa kaniya.—Fil 2:25, 30; 4:18.
pagtatanggol: Ang salitang Griego na isinaling “pagtatanggol” (a·po·lo·giʹa) ay madalas gamitin sa korte. (Gaw 22:1; 25:16) Inihula ni Jesus na ang mga tagasunod niya ay dadalhin “sa mga hukuman” at “sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa [kaniya], at makapagpapatotoo [sila] sa kanila at sa mga bansa.” (Mat 10:17, 18) Nang maaresto si Pablo dahil sa mga Judio sa Jerusalem, dinala siya sa Romanong gobernador sa Cesarea. (Gaw 23:23-35) Nang ‘umapela kay Cesar’ si Pablo habang nasa Cesarea, nagkaroon siya ng pagkakataong ipagtanggol ang pananampalataya niya sa harap ng pinakamataas na hukuman sa Imperyo ng Roma. (Gaw 25:11, 12) Walang sinasabi sa Kasulatan kung kay Cesar Nero siya mismo humarap o sa isa sa mga kinatawan nito. Noong isinusulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Filipos, hinihintay niyang litisin siya sa Roma, gaya ng hiniling niya.—Gaw 28:17-20.
legal na pagtatatag ng mabuting balita: Isang termino sa batas ang ginamit dito ni Pablo. Tumutukoy ito sa paggamit ng legal na mga karapatan para maipalaganap ang mabuting balita. Mga 10 taon bago nito, noong nasa Filipos si Pablo, umapela siya sa Romanong awtoridad para sa karapatan niyang mangaral ng mabuting balita. (Gaw 16:35-40) Ipinaglaban niya ang karapatan ng mga Kristiyano na malayang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa Imperyo ng Roma. Sinabi ng isang reperensiya: “Naging saksi si Pablo, hindi lang sa bilangguan, kundi pati sa hukuman.”
-