-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kaligtasan ko: O “paglaya ko.” Isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Filipos noong unang pagkabilanggo niya sa Roma (mga 59-61 C.E.). Ang terminong ginamit dito ni Pablo ay puwedeng mangahulugang nagtitiwala siyang makakalaya siya dahil sa marubdob na mga panalangin ng mga Kristiyano sa Filipos. Kaayon ito ng sinabi niya na gusto niyang madalaw ulit ang mga taga-Filipos. (Fil 2:24) Mangyayari iyan kung mapapalaya siya mula sa bilangguan. (Tingnan sa Media Gallery, “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”) Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na ginamit ni Pablo (so·te·riʹa, na madalas isaling “kaligtasan”) ay puwede ring tumukoy sa walang-hanggang kaligtasan ni Pablo.
espiritu ni Jesu-Kristo: Lumilitaw na tumutukoy sa paggamit ni Jesus sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Sinasabi sa Gaw 2:33 na “tinanggap [ni Jesus] ang banal na espiritu na ipinangako ng Ama.” Sa Fil 1:11, ipinanalangin ni Pablo “na maging sagana [ang mga Kristiyano] sa matuwid na mga bunga sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, para sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.” Mula nang buhaying muli si Jesus at umakyat siya sa langit, ginamit siya ng Diyos para ilaan ang pangangailangan ng mga Kristiyano sa lupa. Sa Ju 14:26, sinabi ni Jesus: “Ang banal na espiritu [ay] ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko,” at sa Ju 15:26, sinabi niya: “Kapag dumating ang katulong na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang espiritu ng katotohanan . . . , ang isang iyon ay magpapatotoo tungkol sa akin.”—Tingnan ang study note sa Gaw 16:7.
-