-
Filipos 2:1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
2 Kaya kung pinapatibay ninyo ang isa’t isa dahil sa pagiging kaisa ni Kristo, inaaliw ninyo ang isa’t isa dahil sa pag-ibig, nagmamalasakit kayo sa isa’t isa, at may pagmamahalan at awa sa gitna ninyo,
-
-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pinapatibay . . . inaaliw: Gumamit dito si Pablo ng dalawang pangngalang Griego na pareho ang kahulugan. Malawak ang kahulugan ng salitang isinaling “pinapatibay” (pa·raʹkle·sis). Puwede itong isaling “pinapatibay,” gaya dito at sa iba pang teksto (Gaw 13:15; Heb 6:18), “payo” (1Te 2:3; 1Ti 4:13; Heb 12:5), o “kaaliwan” (Ro 15:4, tlb.; 2Co 1:3, 4; 2Te 2:16). (Tingnan ang study note sa Ro 12:8.) Ang isa pang salitang Griego (pa·ra·myʹthi·on), na isinaling “inaaliw,” ay mula sa pandiwang Griego na nangangahulugang “aliwin; pasayahin” o “makipag-usap nang mabait.” (Ihambing ang study note sa 1Co 14:3.) Lumilitaw na sinasabi dito ni Pablo na kung papatibayin at aaliwin ng mga taga-Filipos ang isa’t isa, mapapatibay nila ang buklod ng pagkakaisa ng kongregasyon.—Fil 2:2.
nagmamalasakit kayo sa isa’t isa: O “may anumang pagbabahagi ng espiritu.” Ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa malapít na ugnayan ng mga indibidwal na nagbibigayan at may malasakit sa isa’t isa. (Tingnan ang study note sa Gaw 2:42, kung saan ipinaliwanag ang salitang Griego para sa “pagbabahagi; pakikipagsamahan.”) Dito at sa sumunod na talata, sinasabi ni Pablo na kung magkakasamang aabót ng espirituwal na mga tunguhin ang mga Kristiyano at magpapagabay sa banal na espiritu ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakaisa na hindi masisira ng sanlibutang ito. (Tingnan ang study note sa Fil 2:2.) Sinabi ng isang diksyunaryo sa Bibliya tungkol sa salitang Griego na ginamit sa talatang ito: “Para maging mapagbigay ang isa, kailangan niyang isipin na nakatataas sa kaniya ang iba.”—2Co 13:14; tingnan ang study note sa Ju 17:21.
pagmamahalan: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na splagkhʹnon ay nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon.—Tingnan ang study note sa 2Co 6:12.
-