-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Hindi ko na inaalaala ang mga bagay na nasa likuran: Ang salitang Griegong ginamit ni Pablo na isinalin ditong “hindi . . . na inaalaala” ay puwedeng mangahulugang “wala nang pakialam.” Hindi naman talaga nakalimutan ni Pablo ang “mga bagay na nasa likuran,” dahil kababanggit pa lang niya ng ilan sa mga ito. (Tingnan ang study note sa Fil 3:5.) Nangangahulugan lang ito na nang maging Kristiyano si Pablo, nagpokus na siya sa mga bagay na nasa unahan, kung paanong nakapokus ang isang mananakbo sa unahan at hindi na tinitingnan ang nadaanan na niya. (Tingnan ang study note sa buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan sa talatang ito.) Ang desisyon ni Pablo na magpokus sa unahan ay nakatulong sa kaniya na malimutan ang “mga bagay na nasa likuran,” o ang mga tunguhing gustong-gusto niyang maabót noon at ang posisyong nakamit niya dahil sa pagiging panatiko sa Judaismo. Hindi na niya iniisip ang mga ito dahil wala nang halaga ang mga ito sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Fil 3:8.
buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan: Makikita sa pananalita ni Pablo na ikinukumpara niya ang sarili niya sa isang mananakbo, posibleng sa isang atleta sa mga palarong Griego. (Tingnan ang mga study note sa 1Co 9:24.) Pamilyar sa mga Griego at Romano ang ganitong paglalarawan; karaniwan nang may mga estatuwa noon ng mga mananakbo, at makikita rin ang larawan nila sa mga banga. Hindi dapat tumingin sa likuran ang isang mananakbo dahil babagal siya. Ginamit din ng manunulat na Griego noong ikalawang siglo na si Lucian ang ganitong ilustrasyon. Sinabi niya: “Kapag ibinaba na ang harang sa [simula ng] takbuhan, wala nang ibang nasa isip ang isang mahusay na mananakbo kundi ang umabante, maabot ang dulo ng takbuhan, at umasa sa lakas ng mga binti niya para manalo.” Ibibigay ng mananakbo ang buo niyang makakaya para matapos ang takbuhan. Nagpokus si Pablo, hindi sa mga tunguhin sa sanlibutan na iniwan na niya, kundi sa gantimpalang nasa harapan niya.—Tingnan ang study note sa Fil 3:14.
-