-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kahihinatnan: O “ganap na wakas.” Ibig sabihin, “pagkapuksa” ang kahihinatnan ng mga “kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo.”—Fil 3:18.
ang kanilang tiyan ang diyos nila: Ang salitang Griego na koi·liʹa, na isinalin ditong “tiyan,” ay literal na tumutukoy sa sikmura o mga lamang-loob ng isang tao. Pero dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa makalamang pagnanasa. (Tingnan ang study note sa Ro 16:18.) Sa mga Griegong palabas sa teatro noong panahon ni Pablo, may tinutukoy na “diyos na tiyan,” at sinasabi ng mga karakter sa palabas na iyon na ang tiyan nila ang “pinakadakilang diyos.” Binabatikos ng Latinong pilosopo na si Seneca, na kakontemporaryo ni Pablo, ang mga taong “alipin ng kanilang tiyan.” Lumilitaw na para sa mga taong binanggit ni Pablo sa Fil 3:18, mas mahalagang masapatan ang makalamang pagnanasa nila kaysa makapaglingkod kay Jehova. May ilan na posibleng naging napakatakaw at lasenggo. (Kaw 23:20, 21; ihambing ang Deu 21:18-21.) Baka inuna naman ng iba noong unang siglo ang mga ambisyon nila sa halip na ang paglilingkod kay Jehova. Sinasabi rin ng ilang iskolar na posibleng tinutukoy dito ni Pablo ang mga mahigpit na sumusunod sa mga kautusang Judio pagdating sa pagkain. Masyado silang nakapokus sa pagsunod sa mga kautusang iyon kaya para bang naging diyos na nila ang pagkain, dahil iyon na ang naging pinakamahalaga sa kanila.
-