-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pagiging makatuwiran: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “pagiging makatuwiran,” at kasama dito ang pagiging mapagparaya, magalang, at mapagpasensiya. Hindi iginigiit ng mga makatuwiran ang sarili niyang karapatan o ang istriktong pagsunod sa batas. Sa halip, handa siyang makibagay kung kinakailangan. Sinisikap ng makatuwirang tao na maging makonsiderasyon at mabait. Ang katangiang ito ng isang Kristiyano ay dapat na makita ng lahat, kasama na ang mga hindi kabilang sa kongregasyon. Ganito ang salin ng isang Bibliya sa unang bahagi ng talata: “Makilala nawa kayong makatuwiran.” Sinisikap ng lahat ng Kristiyano na maging makatuwiran, pero partikular na itong dapat makita sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon.—1Ti 3:3; Tit 3:2; San 3:17; tingnan ang study note sa 2Co 10:1.
Malapit lang ang Panginoon: Ang titulong “Panginoon” ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo sa kontekstong ito. Pero posibleng kinuha ni Pablo ang pananalitang ito sa mga teksto sa Hebreong Kasulatan na tumutukoy kay Jehova, gaya ng Aw 145:18: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” (Tingnan din ang Aw 34:18.) Kapag lumapit ang isa sa Diyos, lalapit din ang Diyos sa kaniya; masasabing malapit siya sa mga lingkod niya dahil naririnig niya ang mga panalangin nila at pinoprotektahan niya sila. (Gaw 17:27; San 4:8) Kapag alam ng isa na malapit ang Diyos sa kaniya, tutulong ito para maging masaya siya at makatuwiran at hindi sobrang mag-alala, gaya ng idiniriin sa Fil 4:6. Masasabi ring malapit ang Diyos dahil malapit na niyang alisin ang lumang sanlibutan at palitan ito ng bagong sistema sa ilalim ng kaniyang Kaharian. (1Ju 2:17) May mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos.
-