-
FiliposTulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova—2019 Edisyon
-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Huwag: Ang pananalitang Griego na isinalin ditong “Huwag kayong mag-alala” ay puwede ring isaling “Huwag na kayong mag-alala” o “Huwag na kayong mabahala.”—Tingnan ang study note sa Luc 12:22.
Huwag kayong mag-alala: Ang pandiwang Griego para sa “mag-alala” (me·ri·mnaʹo) ay puwedeng tumukoy sa sobrang pagkabahala ng isang tao na nagiging dahilan para mahati ang isip niya, mawala siya sa pokus, at mawalan ng kagalakan. Maraming beses ding nagbigay ng ganiyang payo si Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 6:25; Luc 12:22.) Maraming dahilan si Pablo para mag-alala; isinulat niya ang liham na ito noong unang pagkabilanggo niya sa Roma. (Fil 1:7, 13, 14) Posibleng nabahala din siya nang kapusin siya sa pinansiyal (Fil 4:12) at inalala rin niya ang kalagayan ng mga kapananampalataya niya (2Co 11:28 at study note). Pinasigla ni Pablo ang mga kapatid na nakakaranas ng ganitong mga pagsubok na “ipaalám . . . sa Diyos ang lahat ng pakiusap” nila.—Tingnan din ang Aw 55:2, 22; 1Pe 5:7.
lahat: Puwedeng ipanalangin ng isang Kristiyano ang anumang bagay na makakaapekto sa kaugnayan niya sa Diyos o sa buhay niya bilang lingkod ng Diyos. Basta kaayon ito ng kalooban ng Diyos, puwedeng ipanalangin ng isang Kristiyano kay Jehova ang kahit anong bagay, gaya ng nararamdaman, kailangan, ikinakatakot, at ikinababahala niya.—Mat 6:9-13; Ju 14:13 (tingnan ang study note), 14; 16:23, 24;1Pe 5:7; 1Ju 5:14.
panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat: Ang salitang “panalangin” na ginamit dito ni Pablo ay isang malawak na termino na tumutukoy sa pakikipag-usap sa Diyos nang may matinding paggalang. Mas espesipiko ang kahulugan ng “pagsusumamo”; ito ay marubdob na pakiusap sa Diyos, na posibleng may kasama pang pagluha. (Heb 5:7) Ayon sa isang reperensiya, nangangahulugan itong “pagdaing dahil sa personal na pangangailangan.” Nang sabihin ni Pablo na samahan ito ng “pasasalamat,” ipinakita niya na laging angkop na magpasalamat sa Diyos. Gaano man kabigat ang problema ng isa, may dahilan pa rin siyang magpasalamat; alam na alam iyan ni Pablo dahil sa mga naranasan niya. (Gaw 16:22-25; Efe 5:19, 20) Binanggit din ni Pablo ang salitang pakiusap, na tumutukoy sa mga bagay na hinihiling ng isa sa panalangin. Kakapaliwanag lang ni Pablo na puwedeng isama ng isang Kristiyano ang halos lahat ng bagay sa mga pakiusap niya.—Tingnan ang study note sa lahat sa talatang ito.
-