-
Mga Study Note sa Colosas—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
malalim ang pagkakaugat: Sa talatang ito, gumamit si Pablo ng tatlong paghahalintulad para ilarawan kung paano ‘patuloy na makakalakad na kaisa’ ni Kristo ang isang Kristiyano. (Col 2:6) Sa una, idiniin niya na ang mga Kristiyano ay dapat na maging kasintibay ng isang puno na malalim ang pagkakaugat.—Tingnan ang study note sa Efe 3:17.
magpalakas ito sa inyo: Tumutukoy sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Idiniriin ni Pablo sa paghahalintulad na ito na ang isang Kristiyano ay dapat na maging gaya ng isang gusali na matibay ang pundasyon.—Tingnan ang study note sa Efe 3:17.
magpatatag: Ito ang ikatlong paghahalintulad na ginamit ni Pablo para ilarawan kung paano ‘patuloy na makakalakad na kaisa’ ni Kristo ang isang Kristiyano. (Col 2:6) Matapos gumamit si Pablo ng termino sa agrikultura (“malalim ang pagkakaugat”) at arkitektura (“magpalakas”), gumamit naman siya ng termino sa negosyo at batas. Ang salitang Griego para sa “magpatatag” ay ginagamit sa legal na usapin at puwede ring isaling “tiyakin; pagtibayin; bigyan ng garantiya.” (Ro 15:8; 1Co 1:8; 2Co 1:21) Sa isang diksyunaryo, isinalin itong “magbigay ng katiyakan.” Gumamit si Pablo ng isang kaugnay na pangngalang Griego sa liham niya sa mga Kristiyano sa Filipos nang banggitin niya ang tungkol sa “legal na pagtatatag” ng mabuting balita. (Fil 1:7) Habang kumukuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos ang mga Kristiyano, lalo nilang napapatunayan na tama talagang manampalataya sila sa Diyos.
-