-
Mga Study Note sa Colosas—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
bumihag sa inyo: O “mambiktima sa inyo.” Sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ito ay nangangahulugang “makontrol ang isa sa pamamagitan ng pagbihag sa kaniya.” Idinagdag pa nito: “Inilalarawan nito ang pag-agaw sa isa mula sa katotohanan tungo sa pagkaalipin sa kasalanan.”
pilosopiya: Ang salitang Griego na phi·lo·so·phiʹa, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay literal na nangangahulugang “pag-ibig sa karunungan.” Noong panahon ni Pablo, malawak ang kahulugan ng salitang ito. Karaniwan nang tumutukoy ito sa iba’t ibang turo, kasama na ang tungkol sa relihiyon. Sa nag-iisang ulat tungkol sa pag-uusap ni Pablo at ng mga pilosopong Griego, relihiyon ang paksa nila. (Gaw 17:18-31) May iba’t ibang pilosopiya na itinataguyod noon sa silangang bahagi ng Imperyo ng Roma, kung saan matatagpuan ang Colosas. Kung pagbabatayan ang konteksto at gramatika ng pananalita sa Col 2:8, lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga nagtataguyod ng Judaismo, na naggigiit sa pagsunod sa Kautusang Mosaiko, kasama na ang pagtutuli, pagdiriwang ng mga kapistahan, at pag-iwas sa ilang pagkain.—Col 2:11, 16, 17.
mapanlinlang . . . na mga ideya: O “mapang-akit . . . na mga ideya.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay isinalin ding “mapandayang kapangyarihan” (Mat 13:22; Heb 3:13) at “mga turong mapanlinlang” (2Pe 2:13).
pananaw ng sanlibutan: O “panimulang mga bagay ng sanlibutan.” Ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito sa liham niya sa mga taga-Galacia.—Tingnan ang study note sa Gal 4:3.
hindi ayon kay Kristo: Pilosopiya ng tao ang binabanggit dito ni Pablo. Hindi niya sinasabi na maling kumuha ng kaalaman, dahil ipinanalangin niya pa nga na “mapuno . . . ng tumpak na kaalaman” tungkol sa kalooban ng Diyos ang mga Kristiyano sa Colosas. Pero gaya ng ipinakita ni Pablo, kailangang maunawaan ng isa ang papel ni Jesu-Kristo sa katuparan ng layunin ng Diyos para magkaroon siya ng tunay na kaalaman at karunungan.—Col 1:9, 10; 2:2, 3.
-