-
Mga Study Note sa Colosas—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
alisin ang lahat ng ito: Dito, gumamit si Pablo ng isang pandiwang Griego na nangangahulugang “tanggalin sa katawan ang isang bagay” o “ilayo ang isang bagay,” gaya ng lumang damit. Ang metaporang ito tungkol sa paghuhubad ng maruming damit at pagsusuot ng angkop na damit ay ginamit ni Pablo nang paulit-ulit sa talata 9, 10, 12, at 14. Gusto ni Pablo na ituring ng mga Kristiyano sa Colosas ang limang bagay na binanggit niya na gaya ng marumi at mabahong damit na hindi hahayaan ng isang Kristiyano na magtagal sa katawan niya. (Tingnan ang sumusunod na mga study note sa talatang ito.) Maraming pagkakatulad ang payong iyan (Col 3:8-10, 12, 13) sa nasa Efe 4:20-25, 31, 32. Sinusuportahan nito ang konklusyong halos sabay na isinulat ni Pablo ang dalawang liham na ito.—Efe 6:21; Col 4:7-9.
poot, galit: Halos magkasingkahulugan ang dalawang terminong ginamit dito ni Pablo. Sinasabi ng ilang iskolar na ang unang termino, or·geʹ, ay orihinal na tumutukoy sa nararamdaman ng isa, at ang ikalawang termino, thy·mosʹ, ay tumutukoy naman sa paglalabas ng damdaming iyon. Pero nang panahong isinusulat ni Pablo ang liham na ito, posibleng hindi na malinaw ang pagkakaibang iyan. Ginamit ni Pablo ang dalawang salitang ito para babalaan ang mga Kristiyano laban sa pagkadama ng poot, o pagkikimkim ng galit, hanggang sa sumabog ito.—Efe 4:31; tingnan ang mga study note sa Efe 4:26.
kasamaan: Ang salitang Griego na ka·kiʹa, na isinalin ditong “kasamaan,” ay puwedeng tumukoy sa masamang intensiyon, poot, at pagnanais na ipahamak ang iba. Sa katulad na payo sa Efe 4:31, ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Pablo sa pariralang “anumang puwedeng makapinsala.” (Tingnan din ang Ro 1:29; 1Co 14:20.) Ayon sa isang reperensiya, ang salitang ito batay sa konteksto ay tumutukoy sa “isang napakasamang puwersa na sumisira sa pagkakaibigan.”
mapang-abusong pananalita: Ang ginamit dito ni Pablo na salitang Griego ay bla·sphe·miʹa, na kadalasang isinasaling “pamumusong” kapag tumutukoy ito sa walang-galang na pananalita laban sa Diyos. (Apo 13:6) Pero noon, hindi lang tumutukoy sa pang-iinsulto sa Diyos ang terminong ito. Puwede rin itong tumukoy sa pagsasabi ng masama o paninira sa kapuwa, at ganiyan ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito batay sa konteksto. (Tingnan din ang Efe 4:31.) Sa ibang salin, ang ginamit sa talatang ito ay “paninirang-puri” at “pang-iinsulto.” Ganito ang sinabi ng isang reperensiya tungkol sa terminong ito: “Ipinapahiwatig nito ang panghahamak ng isa sa kapuwa niya at ang pagsisikap niyang sirain ang reputasyon nito.”
malaswang pananalita: Ang salitang Griego na isinalin ditong “malaswang pananalita” ay dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Tumutukoy ito sa pananalitang bastos, bulgar, o kung minsan ay mapang-abuso. Karaniwan lang na makarinig noon ng malaswang pananalita sa mga dula na nagtatanghal ng imoralidad, at nakakatawa iyon para sa ilan. Puwede ring makapagsalita ng malaswa ang isang tao kapag galít siya, at nagbabala rin si Pablo laban dito. (Tingnan ang study note sa poot, galit sa talatang ito.) Kailangan talagang ibigay ni Pablo ang babalang ito para maiwasan ng mga Kristiyano noon ang masamang impluwensiya ng mga tao sa paligid nila. (Tingnan ang study note sa Efe 5:3.) Sa Efe 4:29 (tingnan ang study note), nagbigay si Pablo ng katulad na payo sa mga Kristiyano: “Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita.”
-