-
Mga Study Note sa 1 Tesalonica—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
napagmalupitan sa Filipos: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga pangyayaring nakaulat sa Gaw 16:12, 16-24. Kinaladkad sina Pablo at Silas papunta sa pamilihan, hinatulan ng mga mahistrado sibil nang walang imbestigasyon, hinubaran, pinagpapalo, itinapon sa bilangguan, at inilagay sa pangawan. Tama lang na sabihin ni Pablo na “napagmalupitan” sila. Ayon sa isang reperensiya, ang terminong ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa “pagmamaltrato na ginawa para sadyang ipahiya sa publiko at insultuhin ang isang tao.” Kaya talagang kahanga-hanga ang ipinakitang lakas ng loob nina Pablo at Silas.
nag-ipon kami ng lakas ng loob: Sa kabila ng pagmamalupit na dinanas nina Pablo at Silas sa Filipos, hindi sila pinanghinaan ng loob. Sa halip, “nag-ipon [sila] ng lakas ng loob” para patuloy na makapangaral. (Gaw 17:2-10) Mapagpakumbabang kinilala ni Pablo na naging matapang sila dahil “sa tulong ng . . . Diyos” at hindi dahil sa sarili nilang pagsisikap. Ganito rin ang sinabi ng salmistang si David kay Jehova: “Pinatatag mo ako at pinalakas.” (Aw 138:3; tingnan din ang Ezr 7:28.) Ilang beses na iniugnay sa ministeryo ni Pablo ang terminong Griego na isinalin ditong “nag-ipon ng lakas ng loob,” at kadalasan nang tumutukoy ito sa ‘pagsasalita nang may katapangan.’—Gaw 13:46; 14:3; 19:8; tingnan ang study note sa Gaw 4:13; 28:31.
kahit marami ang humahadlang: Kararating pa lang nina Pablo at Silas sa Tesalonica, nakaranas na agad sila ng matinding pag-uusig. (Gaw 17:1-14; tingnan ang study note sa 1Te 1:6.) Pero dahil mahal ni Pablo ang ministeryo niya, napagtagumpayan niya ang pagsalansang at patuloy na ipinangaral ang mabuting balita nang may tapang. (Ro 1:14, 15; 2Ti 4:2) Ang ginamit ni Pablo na ekspresyong Griego ay puwede ring isaling “nang may matinding pakikipagpunyagi,” na nagpapahiwatig na nilabanan nina Pablo at Silas ang pag-uusig para patuloy silang makapangaral. Kung minsan, ginagamit ang ekspresyong ito para sa mga atletang sumasali sa Olympics na buong lakas na nilalabanan ang katunggali nila para manalo.
-