-
Mga Study Note sa 1 Tesalonica—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sandali: Gumamit dito si Pablo ng isang idyoma na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa literal, puwede itong isaling “isang panahon (isang takdang panahon) sa loob ng isang oras.” Lumilitaw na gustong sabihin ni Pablo na kahit kamakailan lang niya nakasama ang mga kapananampalataya niya sa Tesalonica—posibleng mga ilang buwan pa lang ang nakakalipas—gusto na niya ulit silang makita. Kaya nga sinabi niya na pinagsikapan pa nilang makabalik ulit doon kahit kinailangan nilang umalis agad noong una. Kaya para mapatibay sila, isinugo ni Pablo si Timoteo.—1Te 3:1, 2.
napalayo noon sa inyo: Lit., “naulila dahil sa inyo.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo (a·por·pha·niʹzo) ay kaugnay ng terminong isinaling “mga ulila” (anyong pangmaramihan ng or·pha·nosʹ) sa San 1:27. Pero malawak ang terminong ito at puwede ring tumukoy sa mga magulang na nangungulila sa mga anak. Sa talata 7 at 11 ng kabanatang ito, ikinumpara ni Pablo ang sarili niya at ang mga kasamahan niya sa isang ina at ama. Kaya posibleng ginamit ni Pablo ang terminong ito para ipakita kung gaano katindi ang pananabik niya at ng mga kasamahan niya na makita ang mga kapananampalataya nila sa Tesalonica, gaya ng magulang na nangungulila sa namatay nilang anak. Isa ulit ito sa mga pagkakataon kung saan ginamit ni Pablo ang ugnayang pampamilya para ilarawan ang kaugnayan niya sa mga kapananampalataya niya.—Tingnan ang study note sa 1Te 2:7, 11.
-