-
Mga Study Note sa 1 Tesalonica—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
araw ni Jehova: Sa buong Kasulatan, ang ekspresyong “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa partikular na mga panahon kung kailan inilalapat ng Diyos na Jehova ang hatol niya sa kaniyang mga kaaway at niluluwalhati ang dakilang pangalan niya. Ginagamit din sa Hebreong Kasulatan ang ekspresyong ito. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa Isa 13:6; Eze 7:19; Joe 1:15; Am 5:18; Ob 15; Zef 1:14; Zac 14:1; Mal 4:5.) Binanggit ni propeta Joel ang pagdating ng “dakila at kamangha-manghang araw ni Jehova.” (Joe 2:31) Sinipi ito ni Pedro noong Pentecostes 33 C.E., gaya ng nakaulat sa Gaw 2:20. (Tingnan ang study note sa Gaw 2:20.) Sa unang katuparan ng hula ni Joel, dumating ang “araw ni Jehova” sa Jerusalem noong 70 C.E. Dito sa 1Te 5:2, ang tinutukoy ni Pablo na paparating na “araw ni Jehova“ ay ang “malaking kapighatian” na inihula ni Jesus sa Mat 24:21.—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Te 5:2.
magnanakaw sa gabi: Kadalasan nang sa gabi sumasalakay ang mga magnanakaw; mabilisan ito at di-inaasahan. (Job 24:14; Jer 49:9; Mat 24:43) Ganiyan din ang araw ni Jehova. Bigla itong darating at magugulat ang mga tao. (2Pe 3:10; Apo 16:15) Sinusunod ng tapat na mga Kristiyano ang payo na laging maging mapagbantay sa pagdating ng araw na iyon. (Luc 12:39; Apo 3:3) Puwede rin silang magulat sa biglaang pagdating ng araw na iyon (Mat 24:42-44; Luc 12:40), pero handa sila (1Te 5:4).
-