-
Mga Study Note sa 1 Tesalonica—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pananampalataya at pag-ibig gaya ng baluti: Sa talatang ito, dalawang bahagi ng kasuotang pandigma ang ginamit ni Pablo para lumarawan sa tatlong mahahalagang katangian ng isang Kristiyano—pananampalataya, pag-ibig, at pag-asa. (Tingnan ang study note sa ang pag-asa nating maligtas gaya ng helmet sa talatang ito at study note sa 1Te 1:3.) Pinoprotektahan ng baluti ang puso ng isang sundalo, at ganoon din ang ginagawa ng pananampalataya at pag-ibig sa makasagisag na puso ng isang Kristiyano. Napakahalaga ng mga katangiang ito sa buhay ng isang Kristiyano, kaya inihalintulad ni Pablo ang mga ito sa isinusuot ng isang sundalong sasabak sa mapanganib na labanan. Sa Efe 6:14, ginamit naman ni Pablo ang baluti para lumarawan sa “katuwiran.”
ang pag-asa nating maligtas gaya ng helmet: Kung paanong pinoprotektahan ng helmet ang ulo ng isang sundalo, pinoprotektahan din ng pag-asang maligtas ang pag-iisip ng isang Kristiyano. Binanggit ni Pablo ang makasagisag na helmet na ito, pati na “ang pananampalataya at pag-ibig [na] gaya ng baluti,” noong pinapaalalahanan niya ang mga Kristiyano na manatiling gisíng sa espirituwal. (1Te 5:6, 7) Kapag suot ng isang Kristiyano ang helmet na ito, “nakapokus siya sa panahong tatanggapin niya ang gantimpala,” gaya ni Moises. (Heb 11:26) Kung pananatilihin niyang malinaw sa isip ang pag-asa niyang maligtas, makakapanatili siyang gisíng sa espirituwal.—Tingnan ang study note sa Efe 6:17.
-