-
1 Timoteo 1:3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
3 Kung paanong hinimok kitang manatili sa Efeso noong papunta ako sa Macedonia, hinihimok ulit kita ngayon, para masabihan mo ang ilan doon na huwag magturo ng ibang doktrina
-
-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
manatili sa Efeso: Nakakatulong ang mahalagang impormasyong ito para mas maintindihan ang sitwasyon nang isulat ni Pablo ang unang liham niya kay Timoteo. Nang matanggap ni Timoteo ang liham na ito, naglilingkod siya bilang tagapangasiwa sa kongregasyon sa Efeso. Kilalang-kilala ni Pablo ang kongregasyong ito. (Gaw 19:1, 9, 10; 20:31) Pinayuhan niya si Timoteo na manatili sa Efeso “para masabihan [niya] ang ilan doon na huwag magturo ng ibang doktrina.” Isinulat ni Pablo ang liham na ito noong mga 61-64 C.E., pagkatapos niyang mapalaya mula sa pagkakabilanggo sa sarili niyang bahay sa Roma pero bago ang huling pagkabilanggo niya roon.—Tingnan ang Introduksiyon sa 1 Timoteo at Media Gallery, “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”
huwag magturo ng ibang doktrina: Malaking pananagutan ang ipinagkatiwala ni Pablo kay Timoteo sa kongregasyon sa Efeso—ang sabihan ang ilan doon na huwag magturo ng mga doktrinang iba sa itinuro ni Jesus at ng mga inatasan niya. Ang terminong ginamit ni Pablo, na isinalin ditong “masabihan,” ay nagpapahiwatig na kailangang magawa agad ni Timoteo ang iniutos sa kaniya. Makikita sa utos na ito ang pagsisikap ni Pablo nang panahong iyon na patuloy na labanan ang apostasya. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:3.) Ilang taon bago nito, noong mga 56 C.E., binabalaan ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso laban sa “malulupit na lobo” na manggagaling sa mga nangunguna sa kongregasyon at “pipilipit sa katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.” (Gaw 20:29, 30) Sa ibang liham ni Pablo na nasa Kasulatan, binabalaan niya ang mga Kristiyano na huwag makinig sa “mabuting balita na iba sa tinanggap na [nila].” (Gal 1:6 at study note; 2Co 11:4) Maliwanag na nakapasok na sa kongregasyon sa Efeso ang ilan sa mga taong iyon na nagtuturo ng maling doktrina.
-