-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
maluwalhating mabuting balita: ‘Maluwalhati’ ang mabuting balita dahil sa napakagandang nilalaman nito. Halimbawa, makikita dito ang kamangha-manghang personalidad at katangian ng Diyos na Jehova, ang Pinagmulan ng magandang mensaheng ito. Ginagamit ng “maligayang Diyos” ang mabuting balita para malaman ng mga tao na may pag-asa silang maligtas sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kaya hindi nakakapagtakang maramdaman ni Pablo na malaking karangalan na ipagkatiwala sa kaniya ang mabuting balitang ito.—Tingnan ang study note sa 2Co 4:4, 6.
maligayang Diyos: Ipinapakita dito ni Pablo na isa sa pangunahing katangian ni Jehova ang pagiging maligaya. Sa loob ng di-mabilang na taon ng pag-iral ng Diyos, lagi siyang masaya, kahit noong nag-iisa siya. (Mal 3:6) Nakadagdag din sa kaligayahan ni Jehova ang pag-iral ng kaniyang panganay na Anak. (Kaw 8:30) Nasaktan at nalungkot si Jehova dahil sa pagrerebelde at paninirang-puri ni Satanas, pero masaya pa rin siya dahil nananatiling tapat ang kaniyang mga lingkod. (Kaw 27:11) Nang makipagkita si Pablo sa matatandang lalaki sa Efeso, sinipi niya ang sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gaw 20:35 at study note) Makikita dito ang isang dahilan kung bakit “maligayang Diyos” si Jehova; siya ang pinakabukas-palad sa buong uniberso. (Aw 145:16; Isa 42:5) Kapag tinutularan si Jehova ng mga lingkod niya, nagiging maligaya din sila. (Efe 5:1) “Maligaya” ang taong araw-araw na nagbabasa ng kautusan ni Jehova, gaya ng sinasabi sa Aw 1:1, 2. Sa tekstong iyon, ginamit sa saling Septuagint ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo. Sa Sermon sa Bundok, paulit-ulit na sinabi ni Jesus na puwedeng maging maligaya ang mga tagasunod niya, kahit sa panahon ng problema at pag-uusig.—Mat 5:3-11; tingnan ang study note sa Mat 5:3; Ro 4:7.
-