-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
inatasan ako ng Diyos bilang mángangarál: Maliwanag na makikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na sineryoso ni apostol Pablo ang mga atas niya. Halimbawa, dito at sa 2Ti 1:11, gumamit siya ng tatlong termino (“mángangarál”; “apostol”; “guro”), na tumutukoy sa iba’t ibang atas niya. Siya ay isang “mángangarál,” o tagapaghayag ng mensahe ng Diyos, gaya ni Jesus at ni Juan Bautista. (Mat 4:17; Luc 3:18; tingnan ang study note sa Mat 3:1.) Si Noe rin ay “isang mángangarál ng katuwiran.”—2Pe 2:5.
apostol: Inatasan ni Jesu-Kristo si Pablo bilang “apostol,” o “isa na isinugo.” (Gaw 9:15; Ro 1:5) Tinawag din ni Pablo ang sarili niya na “apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos” at “apostol para sa ibang mga bansa.”—1Co 1:1; Ro 11:13 at study note; tingnan ang study note sa Ro 1:1.
isang guro na magtuturo sa ibang mga bansa: Bilang guro, nakipagkatuwiranan si Pablo sa mga tagapakinig niya at marami siyang nahikayat na manampalataya kay Kristo. (Gaw 17:2; 28:23; tingnan ang study note sa Mat 28:20.) ‘Isa siyang guro na nagturo sa ibang mga bansa’ dahil nagturo siya sa maraming di-Judio. Idiniriin ng ekspresyong ito na pambuong daigdig ang pangangaral at pagtuturo ng mga Kristiyano na nagsimula noong unang siglo C.E.
sinasabi ko ang totoo, hindi ako nagsisinungaling: Posibleng naramdaman dito ni Pablo na kailangan niyang idiin na totoo ang sinasabi niya dahil may mga nagpaparatang na huwad na apostol siya. Lumilitaw na may ilang Kristiyano na naniwala sa kanila. (2Co 11:4, 5; Gal 1:6, 7, 11, 12) Posibleng kasama sa mga naninira kay Pablo ang ilan sa huwad na mga apostol sa Efeso na kinailangang labanan ni Timoteo. (1Ti 1:3, 4) Posibleng ang ekspresyong ginamit dito ni Pablo ay galing sa panunumpa na karaniwan sa mga korte ng Roma. Sa paggamit ng ekspresyong ito, tinitiyak ni Pablo kay Timoteo at sa iba pang Kristiyano sa Efeso na isa siyang tunay na apostol. May kahawig din itong mga ekspresyon sa Ro 9:1 at Gal 1:20.
-