-
1 Timoteo 4:12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
12 Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo. Kaya maging halimbawa ka sa mga tapat pagdating sa pagsasalita, paggawi, pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan.
-
-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pagiging kabataan mo: Posibleng nasa mahigit 30 anyos si Timoteo nang mga panahong ito, at mahigit isang dekada na siyang sinasanay ni apostol Pablo. Posibleng mga ganito rin ang edad ni Pablo nang una siyang iulat sa Bibliya. Sa Gaw 7:58 (tlb.), tinawag ni Lucas si Saul (Pablo) na ‘kabataang lalaki,’ gamit ang isang salitang Griego na kaugnay ng salita para sa “kabataan” na ginamit dito sa 1Ti 4:12. Gayundin, sa Septuagint, ang terminong Griego na isinasaling “kabataan” ay tumutukoy kung minsan sa mga may asawa. (Kaw 5:18; Mal 2:14, 15; LXX) Sa mga Griego at Romano noon, itinuturing pa ring bata at kulang sa karunungan ang mga lalaking mahigit 30 anyos na. Malamang na mas bata si Timoteo sa ilang lalaki na kailangan niyang payuhan o atasan bilang matandang lalaki, kaya posibleng nag-aalangan siyang gamitin ang awtoridad niya. (1Ti 1:3; 4:3-6, 11; 5:1, 19-22) Siguradong nakapagpalakas ng loob ni Timoteo ang sinabi sa kaniya ni Pablo na “hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan” niya.
maging halimbawa ka sa mga tapat: Nilinaw dito ni Pablo kung paano susundin ni Timoteo ang payong huwag niyang hayaang “hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan” niya. Hindi ito nangangahulugan na magiging dominante si Timoteo o magiging mahigpit siya sa paggamit ng awtoridad na ibinigay sa kaniya ng Diyos; hindi rin niya kailangang pilitin ang iba na igalang siya. Hindi rin kasi ganiyan ang ginawa ni Pablo. (Tingnan ang study note sa 2Co 1:24.) Sa halip, hinimok ni Pablo si Timoteo na patuloy na maging mabuting halimbawa sa iba dahil mas epektibo ito. Pagkatapos, bumanggit si Pablo ng limang bagay kung saan puwedeng maging halimbawa si Timoteo sa “mga tapat”: sa pananalita, paggawi, kalinisan, pag-ibig, at pananampalataya. Kapag nakita ng mga tapat ang halimbawa niya, mapapakilos din silang maging mas mabuting Kristiyano.—Heb 13:7, 17.
kalinisan: O “kadalisayan.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:2.
-