-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Huwag kang maging mabagsik sa pagsaway sa nakatatandang lalaki: Ang pandiwang Griego na isinaling “maging mabagsik sa pagsaway” ay literal na nangangahulugang “suntukin.” Sa makasagisag na diwa, gaya ng pagkakagamit dito, nangangahulugan itong “bulyawan; sermunan.” Pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo na kahit may awtoridad siya, hindi niya ito dapat abusuhin at hindi siya dapat maging malupit sa iba. (1Ti 1:3) Dapat mahalin at irespeto ni Timoteo ang mga kapatid, lalo na ang nakatatandang mga lalaki.—Lev 19:32; tingnan ang study note sa makipag-usap sa talatang ito.
nakatatandang lalaki: Makikita sa konteksto na literal ang pagkakagamit dito ng salitang Griego na pre·sbyʹte·ros. Tumutukoy ito sa mga lalaking may-edad na, kabaligtaran ng “mga nakababatang lalaki” na binanggit sa talata ring ito. Pero sa ibang konteksto, ang terminong ito ay tumutukoy sa “matatandang lalaki,” o mga lalaking may awtoridad at pananagutan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (1Ti 5:17; Tit 1:5; tingnan ang study note sa Gaw 11:30.) Kaya kung may nakatatandang lalaki na kailangang ituwid ni Timoteo, kailangan niya itong ‘kausapin na gaya ng kaniyang ama,’ lalo na kung kapuwa niya ito tagapangasiwa.
makipag-usap: O “makiusap.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo (pa·ra·ka·leʹo) ay tumutukoy sa pagmamalasakit sa isa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pampatibay at payo. (Tingnan ang study note sa Ro 12:8, kung saan ang pandiwang Griego na ito ay isinaling “magpatibay.”) Kaya pinayuhan ni Pablo si Timoteo na mahalin ang mga kapatid sa kongregasyon na gaya ng pamilya para maging halimbawa siya sa iba. (1Co 4:14; 1Te 2:7, 8) Kahit kailangan niyang magbigay ng payo, hindi pa rin dapat maging mabagsik si Timoteo.
-