-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Sawayin: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinasaling “sawayin” ay kadalasan nang tumutukoy sa pagtulong sa isa na makitang nagkasala siya. Layunin ng nagbibigay ng saway na mapakilos ang isang tao na aminin ang kasalanan niya at ituwid ito. Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay puwede ring mangahulugang “‘ituwid,’ ibig sabihin, ‘ituro ang daan mula sa kasalanan tungo sa pagsisisi.’” Nakapagtuturo ang disiplinang ito. Sa Ju 16:8, ang salitang Griego para sa “sawayin” ay isinaling “magbibigay . . . ng nakakukumbinsing katibayan.”
sa harap ng lahat: Lit., “sa paningin ng lahat.” Lumilitaw na tinutukoy dito ni Pablo ang lahat ng nakakaalam sa nagawang kasalanan. Sa ilang pagkakataon, tumutukoy ito sa buong kongregasyon. Sa ibang kaso naman, tumutukoy ito sa isang maliit na grupo na naapektuhan ng pagkakasala o nakaalam nito. Posibleng nakita mismo ng ilan sa kanila ang nangyari. Halimbawa, sinasabi sa Luc 8:47 na noong pagalingin ni Jesus ang isang babae, sinabi nito “sa harap ng lahat ng tao [lit., “sa paningin ng lahat”] kung bakit [nito] hinipo si Jesus.” Makikita sa ulat at sa konteksto na nagsalita siya sa harap ng mga nakarinig sa tanong ni Jesus na “Sino ang humipo sa akin?” Hindi sinasabi sa ulat na nagpaliwanag ang babae sa harap ng isang malaking grupo o sa lahat ng nasa lunsod.—Luc 8:43-47.
namimihasa sa kasalanan: Ang anyo ng pandiwang Griego para sa “magkasala” na ginamit dito ay nagpapahiwatig ng patuluyang pagkilos. Kaya hindi ito tumutukoy sa minsang pagkakasala, kundi sa patuloy na paggawa ng kasalanan. Sa ibang salin, ang ginamit dito ay “nagkakasala” o “patuloy na gumagawa ng kasalanan.”
para magsilbing babala sa iba: Lit., “para matakot ang iba.” Ipinapakita dito kung bakit sinasaway “sa harap ng lahat” ang isang nagkasala. Ang tinutukoy dito ni Pablo na “iba” ay ang mga nakaalam sa pagkakasala at natulungang magkaroon ng tamang pagkatakot na magkasala. Dahil kasi sa nakita nilang pagsaway, makikita nilang mahalaga na iwasan ang pagkakasala, pati na ang mga gawaing umaakay dito.
-