-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Sabihan: O “Utusan.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.
mayayaman sa sistemang ito: Dahil si Satanas ang kumokontrol ng masamang sistemang ito, madalas na naiimpluwensiyahan ang mga tao na maging materyalistiko. Kaya sinabihan ni Pablo ang mayayamang Kristiyano na maging mapagbantay. (Ro 12:2; 2Co 4:4) Itinuro ni Jesus na papalitan ang sistemang ito ng isang bagong sanlibutan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Mar 10:30 at study note; Luc 18:29, 30) Itinuro din ni Pablo na may isang sistema na “darating.” (Efe 1:21; 2:7) Kaya pinasigla niya ang mga Kristiyano na magpokus sa sistemang iyon at ‘mag-ipon ng kayamanan na magsisilbing mahusay na pundasyon para sa hinaharap.’—1Ti 6:19.
sistemang ito: O “panahong ito.” Tinutukoy dito ni Pablo ang masamang sistema na nasa ilalim ng pamamahala ni Satanas.—Tingnan ang study note sa Mat 13:22; 2Co 4:4; Gal 1:4.
huwag maging mayabang: Ang salitang Griego para sa “mayabang” ay puwede ring isaling “mapagmataas.” Pinayuhan ni Pablo ang mayayamang Kristiyano na magkaroon ng balanseng pananaw sa kayamanan nila. Puwedeng maisip ng isang mayaman na nakakataas siya dahil sa mga tinataglay niya. Pero para kay Jehova, hindi nagiging mas mahalaga kaysa sa iba ang isang tao dahil sa kayamanan niya.—Kaw 22:2; Mat 8:20; San 2:5.
huwag umasa sa kayamanan na walang katiyakan: Posibleng maisip ng isang mayamang tao na kayamanan niya ang nagbibigay ng proteksiyon sa kaniya. Pero idiniin ni Pablo na hindi maaasahan ang kayamanan. Puwede pa nga itong maging tukso at bitag (1Ti 6:9), at puwede rin itong mawala nang biglaan (Kaw 18:11; 23:4, 5).
saganang naglalaan sa atin ng lahat ng bagay na nagpapasaya sa atin: Dito, gumamit si Pablo ng magkakaugnay na salita tungkol sa kayamanan para magdiin ng punto. Una, sinabi niya na “ang mayayaman” ay hindi dapat umasa sa “kayamanan na walang katiyakan,” kundi sa Diyos. Pagkatapos, ipinaalala niya sa mga Kristiyano na ang Diyos ang Pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay at na ‘sagana’ niyang inilalaan ang mga ito para masiyahan sila. Siyempre, ang pinakanakapagpapasaya sa kanila at nakakapagbigay ng kapanatagan ay ang espirituwal na paglalaan ni Jehova. (Mat 6:19-21, 33) Pagkatapos, pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano na “gumawa ng . . . maraming mabubuting bagay” para “makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.”—1Ti 6:18, 19.
-